Advertisers
ISA pang round ng clearing operations ang isinagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng Mabuhay Lanes na nagsisilbing alternatibong ruta para sa bahagyang pagsasara ng EDSA-Kamuning flyover (southbound) sa Quezon City.
Ang operasyon ay pinangunahan nina MMDA General Manager Usec. Procopio Lipana, MMDA Assistant General Manager for Operations Asec. David Angelo Vargas, Traffic Discipline Office (TDO) Director for Enforcement Atty. Vic Nuñez, Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) head Director Francisco Martinez, at Special Operations Group-Strike Force (SOG-SF) Officer-in-Charge Gabriel Go.
Ang clearing operations ay ginawa sa kanto ng Sgt. Esguerra Avenue at Scout Madrinan at Kamuning Road. Ang mga kalyeng ito ay bahagi ng mga alternatibong ruta para sa pagsasara ng flyover.
Nilinis ng mga tauhan ng MMDA SOG-SF ang kalsada ng mga iligal na nakaparadang sasakyan tulad ng mga pribadong sasakyan, taxi, at tricycle. Isa pa, ang mga iligal na istruktura sa tabi ng mga bangketa ay binuwag.
Bandang alas-10 ng umaga ( May 6) ay umabot na sa 17 ang nahuli at nabigyan ng ticket, habang limang sasakyan ang hinila.
Nabigyan na ng babala ang mga may-ari ng tindahan noong nagdaang clearing operation sa lugar. Nakita ang mga kainan na umuokupa sa mga bangketa sa Sct. Madrinan.
Pinaalalahanan ni Lipana ang publiko na ang mga bangketa ay para sa mobility at kaligtasan ng pedestrian.
Nangako siya na ang MMDA ay magsasagawa ng pinaigting na clearing operations araw-araw sa Mabuhay Lanes at iba pang natukoy na mga alternatibong ruta upang matiyak na ang mga ito ay madadaanan ng mga motorista.
Ang southbound lane ng EDSA-Kamuning flyover ay sarado sa vehicular traffic mula Mayo 1 hanggang Oktubre 25 para sa kailangang-kailangan na retrofitting at rehabilitation. (JOJO SADIWA)