Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
KADALASAN, sa Pinoy male celebrities, hindi sila masyadong vocal na ipangalandakan ang kanilang girlfriend sa social media o maging sa mga panayam.
Kung mala-Adonis kasi ang aktor, may ilang natatakot na baka mabawasan ang kanilang kafaneyan o mga tagasubaybay na pumapantasya sa kanilang mga kababaihan o kabadingan.
Pero, iba ang paniniwala ng Kapuso actor na si Derrick Monasterio hinggil sa bagay na ito.
“Di naman (ako natatakot). Malaki kasi ang naituro sa akin ng girlfriend ko at ambag niya sa maturity ko. Sa akin, worth it iyon,” bungad niya.
Iba na rin daw ang mindset niya ngayon, mula nang makilala niya at maging opisyal sila ng kanyang girlfriend: ang Sparkle artist na si Elle Villanueva.
“Siguro, iyon iyong time na parang ano… pag medyo bata-bata ka pa, ganoon iyong mindset mo…,” aniya.
“Dati mas vain pa ako noong bata-bata pa. Ngayon, wala na akong pakialam,” dugtong niya.
Dagdag pa niya, three years na raw ang relasyon nila ng bida ng “Makiling” and yet napakalaking bahagi daw ng kanyang pagbabago ang kanyang kasintahan.
“Dati bata pa ako, pero noong nakikilala ko siya, parang instant maturity,” hirit niya. “Sa lahat ng aspect ng buhay ko…sa emotional maturity, paano ako humawak ng pera, iyong mga ganoon. Nagkaroon ako bigla ng mga plano sa buhay,” pahabol niya.
Sa ngayon, nagpupundar na raw siya sa real estate at stocks.
Natanong naman namin siya kung bakit di pa siya nagpro-propose kay Elle lalo’t nahanap na niya ang perfect girl para sa kanya.
“Gusto ko kasi maging stable muna ako, may sarili akong house bago mag-settle down,” paliwanag niya.
Sey pa niya, boto rin daw ang kanyang mommy na si Tina Monasterio kay Elle sa lahat ng naging dyowa niya.
“Nakikita po kasi niya iyong concern niya sa akin kumpara sa past relationships ko na hindi siya masyadong solb,” deklara niya.
Naurirat din namin siya na kung ba siya ay sinasagilahan ng pangamba na baka matulad sa ibang showbiz couples ang kanilang relasyon na ang iba ay inabot pa ng eleven years and yet humantong sa hiwalayan.
“Naku, baka tayo ma-bash diyan,” pagbibiro niya. “Siguro, kinulang lang sila siguro. Pag matagal na kasi kayo ng partner mo, minsan nakakalimutan mo nang kausapin o i-date, iyong simpleng mga bagay na ganoon. Importante pa rin kasi siya sa isang relationship. Importante na meron kayong communication at iyong continuous na panliligaw, kahit matagal na kayo,” lahad niya.
Pagkatapos mapanood sa Makiling, balik-serye si Derrick dahil kasama siya sa cast ng historical epic na “Pulang Araw.”