Advertisers
PUMAGITNA na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para maayos ang sigalot sa pagitan ng nagsuntukang mayor at vice mayor sa bayan ng Tobias Fornier sa Antique.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan na nila ang regional director ng Field Office 6 para kausapin sina Mayor Ernesto Tajanlangit III at Vice Mayor Jose Maria Fornier na magkasundo na para maayos na maihatid ang mga family food pack sa mga naapektuhan ng El Niño sa kanilang bayan.
Tiniyak din ng kagawaran na masusunod ang distribution list.
Sinabi ni Dumlao na dapat isantabi ng dalawang opisyal kung mayroon man silang hindi pagkakaunawaan at unahin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Sa ilalim ng Relief Prepositioning Agreement (RPA), kailangan ang pahintulot ng DSWD para sa pamamahagi ng mga food pack.
Nag-away ang dalawang opisyal nang harangin ng grupo ni Tajanlangit ang truck na naglalaman ng food pack na hiningi ni Fornier para ibigay sa mga residenteng hindi pa nakatatanggap ng ayuda.
Nakunan pa ng video ang panununtok ng alkalde sa kanyang bise alkalde na ginantihan ng huli kaya inawat na sila ng mga awtoridad na nasa lugar nang mangyari ang insidente.
Iginiit ni Tajanlangit na hindi nasunod ang proseso ng pamamahagi ng food pack kaya hinarang nila ang truck.