Advertisers
“MAKABUBUTI kay Pastor Apollo Quiboloy ang sumuko na lang.”
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi maaring magtakda ng kanyang mga kondisyon si Quiboloy para sa kanyang pagsuko.
Diin ni Remulla, ang nararapat gawin ng nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay harapin ang mga kasong kinahaharap, Republic Act 7610 (Anti-Child Abuse Law).
Ayon pa sa DOJ, hindi maituturing na mahina ang kasong isinampa laban kay Quiboloy dahil sa presensiya ng mga direktang ebidensiya para mapatunayan ang elemento ng paglabag sa batas.
Tiniyak naman ng kalihim ang kaligtasan ni Quiboloy kapag sumuko ito.
“No one is above the law, even if one occupies an important position in this religious organization,” aniya.
Dagdag pa niya: “Quiboloy cannot impose any condition. He must surrender not according to his terms of the law. The law applies to all without exception.”
Naglabas na ng warrant of arrest ang isang korte sa Davao City para kay Quiboloy at may hinihintay pa na magmumula naman sa isang korte sa Pasig City para sa kasong ‘qualified trafficking’.
Kamakailan, sinabi ni Quiboloy na susuko lang siya kung sisiguruhin na ligtas siya sa pangingialam ng mga awtoridad sa Amerika sa kaso ng sexual abuse at trafficking na hinain laban sa kanya.
Sa 30-minutong recorded statement ni Quiboloy na inilabas sa YouTube channel ng SMNI, sinabi ni Quiboloy na hindi siya nagtatago dahil guilty siya kundi ito umano’y para maingatan ang kanyang sarili mula sa US authorities na maaari siyang dukutin o ipapatay.
“Unless you give me the guarantee I’m looking for, you won’t see me. Go ahead, manhunt me, I will stand up and not submit to your injustice. I will not submit to tyrannical rule,” sabi ni Quiboloy.
Saad pa ni Quiboloy, dapat manggaling ang assurance na ito mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Justice Secretary Remulla, Philippine National Police chief General Rommel Marbil, hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, at direktor ng National Bureau of Investigation (NBI).(Jocelyn Domenden)