Advertisers
HINAMON ni Senador Risa Hontiveros si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy na lumantad na sa pinagtataguang lungga at harapin ang imbestigasyon ng Senado laban sa mga krimeng kinasasangkutan nito.
Ito ay makaraang maglabas siya ng mga kondisyon para sa kanyang paglantad sa pinakahuling inilabas na audio message sa YouTube channel sa kaniyang Sonshine Media Network International.
“Pastor Quiboloy, lumabas ka na sa lungga mo. Tutal nagpapa-interview ka na rin sa mga vlogger, aba, magpainterview ka na rin sa amin sa Senado,” wika ni Hontiveros sa isang pahayag.
“Hindi naman naitago ng mga audio file na yan ang takot mo matapos umalingasaw ang katotohanan,” sabi pa ni Hontiveros.
Sa kondisyon ng religious leader, nais niya na magkaroon ng kasulatan sa pagitan ng Gobyerno na hindi manghihimasok ang Federal Bureau of Investigation (FBI), Central Intelligence Agency (CIA) at ang US embassy sa mga kasong kinakaharap sa Pilipinas dahil kung hindi, ay hindi siya mapapasuko.
Aniya pa, kung talagang matapang ang religious leader ay ulitin at patunayan nito ang kanyang mga bastos na paratang sa mga senador at gawin niya ito sa loob ng Senado.
“Wala kang katiting na ebidensya laban sa aming mga matatapang na witnesses. At wala kang karapatang siraan ang institusyon ng Senado at ang mandato nito,” anang senadora.
“Kung totoong matapang ka, ulitin mo lahat ng sinabi mo tungkol sa Senado, dito sa Senado. Make your words of record. Record your shameless audacity in history,” diin pa niya.
Dagdag pa ni Hontiveros, hindi nila uurungan ang pastor at tuloy pa rin ang pagdinig ng Senate Committee on Women kahit wala si Quiboloy.
“Patunayan mong ganyan pa rin kabastos ang mga salita mo kapag kaharap mo na kaming mga Senador. Hindi ka namin uurungan,” pagwawakas ng senadora.
Matatandaang si Quiboloy at limang iba pa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. (Mylene Alfonso)