Advertisers

Advertisers

COMELEC Abra niyayanig ng pananakot, pagbabanta

0 5

Advertisers

BAGAMA’T nasa inisyal na preparasyon pa lamang para sa nalalapit na halalan, niyayanig na ng matinding pamomolitika ang sangay ng Commission on Elections (COMELEC) sa lalawigan ng Abra.

Isa sa mga pangyayaring may kaugnayan dito na naiulat narin sa pulisya ng lalawigan ay ang naganap sa bayan ng La Paz kungsaan sinasabing lantarang nakialam, nanakot at itinaboy ni Mayor Joseph Sto. Niño Blando Bernos ang isa sa mga election assistant ng institusyon na nag-uupisina sa kanyang nasasakupan.

Ang election assistant na umano’y tinakot, pinagbantaan at pinalalayas ni Bernos ay si Chadela Tuazon, na sinabihan pa umano ng mga katagang: “Bakit n’yo ako kinakalaban? Anu ang gusto ninyo digmaan?



Lumayas ka dito. Ayaw ‘kong mag-opisina ka dito. Kanino kayo nagpaalam? Ako ang mayor dito.”
Ang naturang pangyayari na kinabibilangan ng aksyon at mabigat na mga pahayag ni Bernos ay nasaksihan ng ilang indibidwal kabilang ang mga nasyunal at lokal na kawani ng pamahalaan at mga mag-aaral, at opisyal narin naipaalam sa pulisya sa lugar.

Nagtataka rin ang mga nakakita dahil bagama’t nasa eksena rin ang election officer na si Rodrigo V. Basa ay hindi man lamang ito gumawa ng kahit na katiting na hakbang upang payapain ang situwasyon at igiit ang karapatan ng mga opisyal at kawani ng COMELEC sa ilalim ng mga umiiral na batas at alituntunin.

Kabilang sa mga kailangang ipaliwanag ng alkalde bunga ng kanyang aksiyon ay ang posibleng paglabag niya sa Revised Penal Code hinggil sa mga banta, sa Code of Conduct and Ethical Standards hinggil sa katarungan, at sa Omnibus Election Code hinggil sa panggigipit sa mga opisyal at kawani ng halalan.

Dahil sa pangyayari, pormal na humingi ng seguridad ng naturang lokal na tanggapan ng COMELEC kay Abra Governor Dominic Valera at mismong sa punong tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa report na ipinadala sa pulisya, ito ay naganap Marso 25, 2024.