Advertisers
MABUTI naman at patuloy na ipinakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang determinasyon niya na ipagtanggol at protektahan ang soberenya ng ating bansa.
Tama lang ang ginagawa niyang ito sapagkat bilang pangulo ng bansa ay siya talaga ang tinitingnang simbolo ng sambayanan kaugnay ng paninindigan sa ating soberenya at tiyak na suportado siya ng mga Pilipino sa adhikaing ito.
Kaya naman hindi rin kataka-taka ang resulta ng huling survey na isinagawa ng UP-based OCTA Research nitong nakaraang buwan.
Base sa resulta ng survey, halos walo sa sampung Pinoy ang nagsabing handa silang lumaban para ipagtanggol ang ating bansa kaugnay na rin ng tumitinding agawan ng teritoryo diyan sa West Philippine Sea (WPS).
Ang determinasyong ito ng mayorya ng mga Pilipino ang siyang dapat magbigay ng inspirasyon sa ating mga pinuno upang ipaglaban ang ating karapatan at kalayaan.
Ito ay sa gitna na rin ng patuloy na tumitinding panggigipit ng Tsina na kontrolin at agawin ang mga isla at bahurang nasa loob ng ating exclusive economic zone.
Kaya naman napapanahon rin ang pagbubuo at pagpapalakas ni Pangulong BBM ng ating maritime security at domain awareness.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbubuo at pagreorganisa ng National Coast Watch Council (NCWC) bilang National Maritime Council (NMC) sa bisa ng inilabas niyang Executive Order No.57.
Inatasan niya ang NMC na magbalangkas ng mga polisiya at mga istratehiya upang masiguro ang epektibo, pinag-isa at maayos na ugnayan ng istruktura ng maritime security at kaalaman sa interes sa WPS.
Suportado natin si PBBM sa ginawa niyang ito sapagkat sa kabila ng pagsisikap natin na ipalaganap ang istabilidad at kapayapaan sa WPS, ay patuloy na hinahamon ng ibang bansa ang ating pasensiya at pagtitimpi.
Dapat lang na mabuhay tayo bilang bansa ng tahimik at malaya mula sa banta at panggigipit ng ibang mga bansa.
Ipakita natin na isinasapuso natin ang mga letra sa ating pambansang awit na “sa manlulupig hindi tayo pasisiil”.
Naniniwala ako na likas sa mga Pinoy ang paniniwala sa ating Diyos, kaya ayaw natin ng giyera at anumang uri ng karahasan.
Pero tungkulin din naman nating ipagtanggol ang ating bansa mula sa mga magtatangkang sumakop sa atin kung kinakailangan.
At diyan natin maipakikita ang ating katapangan at totoong pagmamahal sa bayan.
Abangan!