Advertisers
DATI ay “piyaet-piyaet” at pang merienda lamang ang kotong ni AGUIDO mula sa mga operator ng colorum van at illegal terminal, ngunit dumating sa sukdulang umabot na sa Php 10,000 hanggang Php 25,000 at higit pa ang ipinapataw nito sa mga driver at operator ng transport group na nakabase sa mga lalawigan ng CALABARZON kaya inakusahan na ng mga ito ng pangongotong si Region 4A Land Transportation Office (LTO) Director CUPIDO GERRY D. ASUNCION at iba pang opisyales ng LTO.
Ang paratang kay CUPIDO ng mga lider ng transport group sa Cavite, Batangas, Laguna at Metro Manila ay ipinarating kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Batay sa akusasyon ay ipinangongolekta ni AGUIDO ng tong na PhP 50,000 sa mga operator ng naturang transport group upang makatransaksyon lamang si CUPIDO at panibagong Php10,000-Php25,000 na buwanang “tongpats” para makapag-operate naman ang naturang grupo.
Panawagan sa mga apektadong mamamayan lalo na sa mga lalawigang sakop ng CALABARZON ay huwag mag-atubiling lumantad upang maputol na ang kabulastugan nina AGUIDO na nagpapakilalang “bagman/kolektor” ng tanggapan ni Dir. CUPIDO at ng ilang LTO official.
Suhestiyon natin kina Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista at Land Transportation Office Chief Atty. Vigor Mendoza II na ipaaresto si AGUIDO at lansagin ang lahat na operasyon ng colorum van at illegal terminal sa buong bansa lalo’t higit sa hurisdiksyon ng R4A LTO.
Itinanggi ni CUPIDO ang paratang sa kanya, upang matiyak kung tunay ang alegasyon ni CUPIDO na wala itong kinalaman sa aktibidad ni AGUIDO ay pakasuhan niya ito sa kasalanang pangongolekta ng “protection money” gamit ang kanyang pangalan at iba pang LTO official.
Nagsimula lamang sa “pang merienda” ang kinokolekta ni AGUIDO sa Mamatid-Alabang Festival Transport Service ngunit nang lumaon ay itinaas nito ang kanyang koleksyon sa Php 10,000 tuwing katapusan ng buwan bilang “pakisama daw” sa mga LTO official sa Region 4A. Kinokolekta ni AGUIDO ang “pakisama” sa terminal ng naturang transport group sa Brgy. Banlic, Cabuyao City, Laguna.
Ang iba pang nagreklamo laban kay CUPIDO ay sina Federico Callejas ng Celyrosa Transport; Henry Cayao ng Lorna Express, Francis Caballero ng Floralde Liner at Teddy Lising ng Cavite-Batangas Transport Service Cooperative na hinihingian naman umano ng Php 50,000 upang makausap lamang nila si CUPIDO at buwanang Php 25,000 upang huwag hulihin ng mga Region 4A LTO enforcer ang mga tsuper ng naturang transport group.
Itinanggi ito ni CUPIDO at ayon sa kanya ay binawi at pinabulaan na ng mga nasabing complainant ang kanilang sinumpaang salaysay. Dapat malaman ni Dir. CUPIDO na pinaka mahinang depensa ang alibi o pagtanggi sa akusasyon?
Isang alyas BULOY at ang kasosyong dalawang pulis ang nagpapatakbo naman ng biyahe ng colorum van ng Batangas City Port Transport Group sa illegal terminal na PPA parking area, Batangas City Port Compound sa barangay ni Chairman Derick Arago. Alam kaya ito nina DOTr Sec. Bautista, LTO Chief Atty Vigor Mendoza II, Dir. CUPIDO at Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha?
Operator din sina alyas BULOY ng pinakamalaking burikian/paihian sa Luzon area ng petroleum, LPG product at ng highly combustible na A1 jet fuel. Nasa lote ng Chinese mestizo na isang Tan ang burikian nina BULOY malapit sa PPA main office at gate ng Batangas City Port. Halagang Php 800 na “butaw” o kotong ang kinokolekta nina alyas BULOY sa daan-daang colorum van driver kada biyahe na proteksyon upang hindi hulihin ng LTO, PNP at NBI. May kolek-tong pa na Php 500 ang mga private security guard sa mga colorum van driver.
Bumibiyahe ang mga colorum van mula sa Batangas City Pier patungong Metro Manila, Dasmarinas City at iba pang siyudad at bayan sa Cavite, Lucena City, Quezon at mga lalawigan ng Laguna at Rizal at vise versa. Talamak din ang byahe ng mga colorum van ng SM Transport Group mula sa mga illegal terminal sa SM Lipa City, sa tabi ng Petron Gas Station sa bayan ng Bauan, Batangas via Palapala, Dasmarinas City; Tagaytay City via Bauan; Xentro Mall, Lemery, Batangas via Tagaytay City- Palapala Dasmarinas City at Nasugbu, vise versa at marami pang iba.
Dedma sa mga ito sina Batangas PNP Provincial Director Col. Samson Belmonte at City Police Chief Lt Col. Shamgar Valdez, Region 4A PNP/HPG, PPA at Batangas City Customs Police. Hamon ito sa bagong hepe ng PNP MGen. Rommel F. Marbil. ITUTULOY
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144