Advertisers
INILUKLOK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si Major General Francisco Marbil bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang inanunsiyo sa ‘change of command ceremony’ at ‘retirement honors’ para kay outgoing PNP chief General Benjamin Acorda, Jr. sa Camp Crame sa Quezon City nitong Lunes.
“Police Major General Rommel Francisco Marbil is designated as the chief, Philippine National Police effective April 1, 2024 by the direction of President Ferdinand Romualdez Marcos Jr.,” ayon sa appointment ni Marbil na siyang hahalili kay Acorda.
Bago ito, siya ay officer-in-charge (OIC) ng PNP Directorate for Comptrollership (DC).
Sinasabing ang napakahalagang appointment na ito ay nagpapakita ng kanyang mahusay na track record at matibay na pagmamahal sa serbisyo sa kanilang hanay.
Dahil dito, mula sa pagiging two-star general, magiging four-star general na si Marbil o may ranggong Police General.
Ipinanganak ng Pebrero 7, 1969, si Marbil ay isang kilalang alumni ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1991. Mayroong degree sa military science, siya ay nagpakita ng liderato at dedikasyon sa kanyang buong karera hanggang sa maitalaga bilang pinuno ng pambansang pulisya.
Nabatid na bago ito, nagsilbi rin si Marbil bilang direktor ng PNP Regional Office 8 na namamahala sa mga operasyon ng pulisya sa Silangang Visayas.
Agad ding nagsimula sa kanyang tungkulin si Marbil nitong Lunes, Abril 1, makaraang magtapos ang extended o pinalawig na termino ni Acorda na ngayon ay opisyal nang retirado.
Magsisilbing hepe ng PNP si Marbil hanggang sa kan-yang pagreretiro sa Pebrero 2025. (GILBERT PERDEZ/VANZ FERNANDEZ)