Advertisers
KALABOSO ang limang “estapador/swindllers”, habang nakatakas ang isa pa nilang kasabwat na mga nagpapanggap na ahente, nagbebenta ng bahay at lupa, nang mahulog sa entrapment operation ng mga tauhan ng Binan City Police Sabado ng gabi, March 9, sa isang fast food chain sa loob ng Pavillion Mall sa Barangay San Antonio, Binan City, Laguna.
Kinilala ang anim na naaresto sa kanilang mga alyas na Josephine, Jean, Eugene, Melisa, Armando at ang nakatakas na si Anni’ habang ang mga biktima ay ang mag-asawang John Paul Mance at Jamie Anne Mance (buyer ng bahay), at Grace Dichoso Duller (tunay na may ari ng bahay), mga nasa hustong gulang.
Sa ulat ng Binan City PNP sa opisina ni Calabarzon Police Regional Director, Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, lumalabas sa imbestigasyon base narin sa reklamo ng mag- asawang biktima na inialok ng mga suspek sa kanila ang isang house and lot sa Blk 42 Lot 2 ng Redwood Lane Evergreen County, Brgy. Platerosa Binan City na nakapangalan sa isang Melanie B. Morcozo, sa halagang P4 million, at pinalabas ng mga suspek na ang bahay at lupa na kanilang ibinebenta ay isang approved housing loan sa PAGIBIG at humihingi sa mag asawa ng P700,000 para umano pambayad sa assume balance ng ibinebentang bahay at lupa.
Subalit napag-alaman ng mga biktima na ito ay na-disapproved sa PAGIBIG nuon pang January 4 ng taon makaraang hindi nagpakita sa isang video call interview at magsumite ng mga kinakailangan dokumento ang huwad na may-ari na si Morcozo, at nalinlang din ng mga suspek ang tunay na may-ari ng bahay at lupa na si Duller, makaraang mapapayag na ilipat sa pangalan ni Morcozo ang titulo ng bahay at lupa sa Registry of Deeds.
Nagsumbong ang mga biktima sa mga awtoridad at ipinaaresto ang mga suspek.
Nakakulong ngayon ang mga suspek sa Binan City Police, at nahaharap sa kasong Estafa. (Koi Laura)