Advertisers
NAKATUON ang imbestigasyon ng kongreso sa ma-anomalyang pagbebenta ng 75,000 sako ng bigas ng National Food Authority (NFA) na naging dahilan ng pagkalugi ng pamahalaan ng milyones na halaga ng salapi, ngunit ang isa pang higit na mas malaking katiwalian ay kinasasangkutan ng sindikato ng “buriki” ng NFA rice na pinaniniwalaang kumakale ng multi-bilyong halaga at namamayagpag pa din sa naturang ahensya ng pamahalaan.
Suspendido ng anim na buwan sa kanilang serbisyo ang ilang NFA top official, kabilang dito sina NFA Administrator Roderico R. Bioco, Assistant Administrator John Roberto Hermano, 12 regional manager, 27 branch manager at 98 warehouse supervisor sa desisyon na inihayag kamakailan ng Office of the Ombudsman.
Hinihinalang nalugi ang gobyerno ng umabot sa Php 100 milyon sa pagbebenta ng buffer stock ng NFA rice sa halagang Php 25 per kilo lamang. Kabilang sa nakitang paglabag sa sale ng mga naturang bigas ay ang di pagdaan nito sa NFA Council at kawalan ng public bidding bago ibenta ang mga ito sa mga “pinaborang rice traders”.
Ayon kay AGAP Party list Representative Nicanor “Nick” Briones, kailangan ang masusing pagsisiyasat pagkat maaaring naibenta naman ng mga mapagsamantalang rice trader ang kanilang nabiling NFA rice sa halagang mahigit pa Php 52 kada kilo.
Hindi lamang “tubong lugaw” ang mga naturang negosyante sa pagkapagbenta nila ng nasabing mga bigas kundi parang “nagpapakulo ng datung ang mga ito sa nag-aalimpuyong kaldero” sa laki ng kinita ng mga ito.
Ngunit ang higit na kagila-gilalas na kailangang ding tutukan ng mga mambabatas at awtoridad ay ang mas napakalaking anomalya na ibinunyag ng ating mga KASIKRETA, ito ang deka-dekadang taon nang operasyon ng “buriki” ng NFA rice.
Kinasasangkutan ito ng marami ding opisyales, empleyado ng NFA at mga kasabwat ng mga itong rice trader na mistulang dambuhalang pugita (octopus) ang saklaw lalo na sa kalakhang Luzon. Ito ang isa pa lamang sa marami pang mga tagong multi-bilyong korapsyon sa NFA na hindi pa pinagtutuunan ng pansin ng ating pamahalaan.
Batay pa sa ating mga KASIKRETA ang mga binebentang NFA rice, kasama ang bultuhang 75,000 sako na naibenta sa pagitan noong Nobyembre hanggang Disyembre 2023 ay hindi naman karakang ipinagbili ng mga rice trader sa merkado.
Nabili ito ng mga tusong rice trader sa NFA sa pamamagitan ng ma-anomalyang rice sale. Iniimbak muna sa bodega ang malaking kantidad ng bigas at doon “binuriki,” inilipat ito sa mga commercial sack at ibinenta bilang first class commercial rice.
Binansagan pa ng ating mga KASIKRETA na “OCTOPUS SA NFA” ang mga sangkot sa katiwalian na kinabibilangan ng hindi lamang mga NFA official at empleyado nito sa ibat ibang regional at provincial branch. Dawit dito ang mga malalaki at maiimpluwensyang rice trader, karamihan ay mga bilyonaryong Chinese national sa bansa.
Hindi lamang pala petroleum product tulad ng gasolina, diesel, gaas, langis, liquefied petroleum product (LPG), cooking oil at iba pang produkto ang binuburiki at pagkatapos ay hinahaluan ng mababang kalidad na produkto o kemikal, kundi maging ang mga NFA rice.
Ibinunyag ng ating mga KASIKRETA na ang mga commercial rice tulad ng Dinorado, Jasmin at iba pang first class na bigas ay hinahaluan ng NFA rice, kung gaano kadami ang binawas sa sako ng commercial rice ay siya ding dami ng NFA rice ang idinadagdag sa pinagsasalinang sako na tinatatakan ng branded na commercial rice.
Ang 75,000 bag na NFA rice ay napapalitaw ng mga tuso na rice trader na mahigit pa sa 150,000 bag na commercial rice kaya ang resulta ay doble o higit pa sa doble ang napalitaw nilang aakalaing first class na commercial rice at pinagpatubuan ng higit pa sa Php1,000 kada sako.
Ang mga binuburiking petro product naman ay binabantuan ng kemikal na kung tawagin ay Methanol para magmukhang hindi nababawasan ang kargamento ng mga pinagnakawang tanker at capsule truck.
Karamihan sa mga petro buriki operator ay nagkukuta sa mga lalawigan ng Quezon at Batangas, notoryus sa mga ito ay isang alyas Amigo ng Brgy. Malabanban Sur, alyas Etring ng Ecotourism Highway pawang sa bayan ni Candelaria Mayor Ogie Suayan, Troy ng Brgy. Salinas at Bong ng Brgy. Isabang, parehong sa siyudad ni Lucena Mayor Don Alcala at magkasosyong Sammy at Alfred sa bayan ni Guinyangan Mayor Marieden Isaac.
Sa Batangas City ang buriki operator ay si alyas Buloy na may mga kuta sa Brgy. Sta Clara, kalapit ng tanggapan ng PPA at sa tapat ng Maquiling Depot sa Brgy. Balagtas Diversion Road. Sa Brgy. Bulihan sa bayan ni Malvar Mayor Cristeta Reyes at Police Chief Nemecio Calipjo Jr. ay may burikian din sa tabi ng peryahang pulos sugalan ang magkasosyong Ed at Rico. Walang aksyon laban sa mga ito sina Quezon Province Gov. Helen Tan, PNP Provincial Director Col. Ledon Monte, Batangas City Police Chief LtCol. Shamgar G. Valdez at Capt. Calipjo Jr. ng Malvar. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144