Advertisers
Ni NICK NANGIT
SUMAMBULAT sa mga pahayagan at maging sa ibang bansa ang nakagugulat na balitang pumanaw na si Jane Guck aka Jaclyn Jose.
Siya ay isang napakahusay na artista na bagama’t hindi matitindi ang mga kilos at salita, ay napaka epektibo sa paglalarawan ng papel na kanyang ginagampanan. Ika nga, understatement lagi, pati ang boses mahinahon. Subali’t, yan ang nagpanalo sa kanya – at sa kauna-unahang pagkakataon para sa artistang Pilipino – ng Best Actress sa Cannes Film Festival noong 2016, dahil sa katauhan ng isang mapagtiis na ina sa pelikulang Ma’Rosa!
Sa kanyang talumpati ng tagumpay, lalo siyang hinangaan ng buong mundo, dahil sa pagiging mapagkumbaba pa rin. Talagang mababakas sa kanyang mukha’t pananalita na hindi niya inaasahang sa kanya mapupunta ang karangalan. Biruin ninyong natalo pa niya ang mga bigating pangalan nina Isabelle Huppert, Marion Cotillard, Juliette Binoche, Ruth Negga, Charlize Theron, Sonia Braga, Kim Min-hee, at Sandra Hüller!
Bago pa lumabas ang balita tungkol sa sanhi ng kanyang pagkamatay, at bago pa nagpahayag ang kanyang anak na si Andi Eigenmann, sinubukan na ng mga Kabunganga humingi ng mensahe mula sa mga apo at ada. Yan ay ginawa sa gabi ng KKK Live sa Nickstradamus channel ng YouTube.
Apat kaming nasa iba’t ibang panig ng mundo na naging daan – si Kadre Grace, beshie Rhiza, Clarance, at ako – upang makatanggap ng mga imahe hinggil sa sinapit ni Jaclyn Jose.
Inilahad ng mga nasa ibang dimensyon sa aming mga diwa na, sa araw ng kanyang paglisan, bumigat ang katawan niya, sumakit ang ulo, hindi makahinga na tila ba may biglang dumagan sa dibdib, at tila namanhid o hindi maigalaw ang kaliwang braso at kamay.
Nasusuka pa nga, biglang bagsak sa sahig, kahit sinubukan pa niyang humawak o kumapit sa kahit anong maaaring hawakan o kapitan. Subali’t huli na ang lahat. Tila tumama na ang ulo niya sa sahig, hindi na siya makapagsalita, at hindi na rin niya maigalaw ang kanyang katawan. Kahit gising pa ang diwa niya, hindi na niya nakayanan. Hindi na siya makahinga, hanggang sa tuluyan nang huminto ang tibok ng kanyang puso. Sa ganang amin, tila inatake siya sa puso.
Laking gulat namin dahil kinaumagahan, yan mismo ang naging pahayag ni Andi sa presscon. Yan din ang mga senyales daw ng heart attack, ayon naman sa mga Kabunganga na nasa propesyong medikal noong nag KKK Live ulit kami kinagabihan. Naganap na ang matagal ko nang sinabi sa mga panayam sa TV at radyo, at lalo na sa channel ko, na papanaw ngayong Taon ng Dragon ang mga tanyag na personalidad sa larangan ng pelikula.
Bata pa si Jaclyn Jose. Pero dahil dumating na ang takdang panahon, hindi na niya ito mapipigilan pa.
Isa siyang Libra cusp Scorpio Rabbit. Sinabi ko na rin bago pa magsimula ang 2024 na mag iingat sa kalusugan ang mga Librans. At laging may kawalan ang mga Rabbit sa kanilang Taon. Kaya sa ganang Jaclyn, buhay niya ang nawala. Yun nga lang humabol ito, kahit nasa Taon na tayo ng Dragon.
Hindi lamang yan. Water Rabbit siya na kaparehas pa ng nakaraang taon. Malaking pagbabago ang haharapin niya, at yun nga ay ang pagtawid na niya sa liwanag.
Sa numerolohiya, ang numerong Apat sa araw ng kanyang kamatayan at ang numerong Lima sa araw ng kanyang pagsilang ay nangangahulugan na may panganib (5) na magaganap sa kanyang tahanan (4).
Ika-lima rin ang lumalabas na bilang ng tig-12 taon sa kanyang buhay. Noong nakumpleto na niya ang limang siklo, ibig sabihin may isyu (5) pa siya pagdating sa pamilya (4). Kaya pala ipinakita sa akin sa KKK na nakatayo lamang ang kaluluwa niya sa tabi ng kayang bangkay.
Kaya rin pala, lumalabas sa mga panayam, na mas pinili niyang maging mag-isa, para sa kagustuhan ng dalawang anak niya na magkaroon ng kalayaan. Masakit man sa kanya ang pasyang iyon, tiniis pa rin niya dahil mahal niya ang mga ito.
Sa ngayon, kailangan niya ng dasal para makatawid na sa liwanag. Alam na niyang patay na siya, subali’t nandun pa rin ang pagmamahal niya sa mga anak na hindi man niya nakapiling noong buhay pa siya, ay hindi rin niya maiwan ngayong patay na siya. Dito naman nangingibabaw ang bahaging Scorpio ng kanyang katauhan.
Para sa iyo, Jaclyn Jose, paalam at maraming salamat!
Hanggang dito na muna ulit at abangan na lamang ang serye sa pag-aaral ng Astrolohiya na mapapanood ninyo sa 89.5 The Playroom ngayong Marso na. Para sa iba pang mga panayam at paksa na may kinalaman sa Taon ng Dragon, kababalaghan, o kaya’y batas, mag Subscribe lang, Watch, Like, Share, at iClick ang Bell, para sa mga notifications at updates sa Nickstradamus channel.
Light Love and Life sa inyong lahat, lalo na kay R, Namaste!