Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
HUMINGI ng paumanhin si Kelvin Miranda kaugnay ng batikos na natatanggap niya dahil sa pagnguya ng chewing gum habang naggue-guest sa “It’s Showtime” kasama si Beauty Gonzalez.
Nandoon kasi ang Kapuso actor para i-promote ang kanyang pelikulang “After All” na palabas na sa mga sinehan.
Pansin kasi ng isang netizen sa X, tila raw walang etiquette ang actor.
Saad pa ng kate-katera: “Parang goat tong si Kelvin Miranda. Nasa national tv chew nang chew ng gum. Kaloka ka boy!”
Sumang-ayon naman ang ilang nagmamahadera at sinabing hindi magandang tingnan ang ginawa ng actor.
Feeling kasi nila ay nakakabastos ito sa mga taong nag-iinterview sa actor.
Paliwanag naman ni Kelvin, ninenerbiyos daw siya nang mga sandaling iyon.
Kumbaga, ang pagnguya ng chewing gum ay isa lamang defense mechanism para ikalma niya ang sarili noon.
Gayunpaman, humingi naman siya ng paumanhin sa mga taong na-offend niya.
Ito ang naging pahayag niya sa nabanggit na pangyayari.
“Kalma lang po kayo, wala naman po akong gustong bastusin or tapakan na moral dito. Ang sa akin lang ay bago pa po sa akin ang pakiramdam ng lahat. Hindi ko alam paano i-handle ang emosyon at lahat ng pangyayari. Idinaan ko na lang sa pagche-chewing gum. Pero wag kayo mag-alala, humihingi ako ng pasensya sa lahat at hindi na mauulit. Salamat sa pagpuna nito. Gawin kong aral at hindi na masundan pa ng ibang pagkakataon,” ani Kelvin.
In fairness kay Kelvin, wala naman marahil siyang masamang intensyon sa ginawa niya.
Sa panayam sa kanya ng entertainment press noong premiere night ng movie, napansin din namin na dinadaga ang kanyang dibdib lalo pa’t ito ang unang pagkakataon na ipalalabas ang pelikulang kanyang pagbibidahan.
Napansin din namin ang panaka-nakang pagnguya niya ng chewing gum pero hindi na namin ito pinuna dahil hindi naman kami distracted sa kanyang ginagawa.