Advertisers
TINIYAK muli ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa publiko na handa ang Comelec na mangasiwa sa plebesito para sa economic Charter Change isabay man ito o hindi sa 2025 midterm elections.
Sinabi ito ni Garcia sa kanyang pagbisita sa House of Representatives para sa isinasagawang Register Anywhere Program (RAP) ng Comelec.
Ani Garcia, susunod sila kung ano ang magiging atas ng Kongreso at kung ano ang mapagkakasunduan ng Kamara at Senado hinggil sa pagdaraos ng plebisito.
Pahayag ni Garcia, wala nang magiging gastos kung pagsasabayin ang plebesito at halalan sa 2025 dahil pahahabain lang naman ang balota habang 13-billion pesos naman ang kailangang pondo kung ito ay gagawin ng magkahiwalay.
Sang-ayon naman si Garcia sa sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na pag-aralang itong mabuti.
Sinabi ni Garcia, mainam din kasi na nakatutok lang ang mamamayan sa pagbabago sa ating saligang batas na hindi naman ordinaryong batas lang kaya may mga legal na isyu na dapat ikonsidera.