Advertisers
NASAWI ang isang babaeng Food Panda delivery nang tumilapon at nagulungan ng fire truck nang mag-overtake sa isang pampasaherong jeepney sa Sta Ana, Manila, Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Kathlyn Dela Cruz, 34 anyos, Food Panda rider, ng 1354 J Burgos Street, Paco, Barangay 826, Manila.
Ang driver ng pampasaherong jeepney ay kinilalang si Alfredo Jr Balaguer, 56, ng 108 Anuling Mendez, Cavite; at ang fire truck ay may plakang SAA 8198.
Sa ulat, 6:56 ng gabi naganap ang insidente sa westbound lane sa panulukan ng Pedro Gil Extension malapit sa P. Carreon Street, Sta Ana. Minamaneho ni Dela Cruz ang kanyang motorsiklo nang lumihis ito sa kaliwang direksyon upang mag-overtake sa jeepney ni Balaguer na noon ay nakatigil upang magbaba ng pasahero.
Pero sa kanyang pag-overtake, nasagi ang kaliwang bahagi ng kanyang motorsiklo ng kanang bahagi ng fire truck na binabagtas din ang nasabing lugar, sanhi para mawalan ito ng kontrol sa motorsiklo at bumangga sa kaliwang bahagi ng jeepney, tumilapon at nagulungan ng fire truck at nakaladkad, sanhi kanyang agarang kamatayan. (Jocelyn Domenden)