Advertisers
Kelan lang ay sinabi ni Barangay Chairman Jefferson Lau, presidente ng Manila Chinatown Barangay Organization, na hindi daw tatakbo si Senator Imee Marcos bilang alkalde ng Maynila sa darating na 2025 elections.
Sinabi niya ito nang makapanayam siya ng mga taga-media sa post-Chinese New Year celebration na ginanap sa Plaza Lorenzo Ruiz sa Binondo, Manila.
Sa nasabing event ay naroon si Senator Imee Marcos. Bisita siya ng MCBO na grupo ni Chairman Lau kung saan namahagi ang Senadora ng tikoy sa may 2,000 indibidwal mula sa ikatlong distrito ng lungsod.
Sa mga sinabi ni Chairman Lau, tinapos na niya ang mga ugong-ugong o chismis na kesyo tatakbo ngang mayor si Senator Imee sa 2025.
Noong Oktubre pala ng nakaraang taon ay kinumbida ni Senator Imee ang grupo ni Chairman Lau sa kanyang tahanan sa San Juan.
Sa gitna ng kwentuhan ay direktang tinanong ng mga chairman kung tatakbo ba si Senator Imee bilang mayor sa 2025 o hindi.
Ayun at tahasang sinabi daw ng Senadora na hindi ito kasama sa plano niya.
“Hindi tatakbo si Sen. Imee Marcos na Mayor ng Maynila, nag-usap kami at yun ang sinabi niya,” pahayag ni Chairman Lau.
Bago niyan, ilang ulit na ring sinasabi ni Sen. Imee na hindi siya tatakbong mayor sa Maynila dahil masikip na umano ang pulitika sa Maynila.
Paulit-ulit din niyang sinasabi na ang balak niya ay tumakbo muli bilang Senador dahil may isang term pa siyang nalalabi.
Pagkatapos ng event sa Binondo ay kumain si Sen. Imee sa Grand Café 1919 at doon ay sinabi niya ulit sa mga kasamang chairman na hindi nga siya tatakbong Manila mayor.
Naglabasan sa mainstream media ang mga sinabi ni Chairman Lau at kung hindi ito totoo, siguradong sisitahin ni Sen. Imee si chairman.
Dahil walang ganitong nangyari, kumpirmado na nga na hindi nga talaga tatakbong mayor ng Maynila si Senadora Imee.
Kaya ‘yung mga nag-uurot, tigilan na at suportahan na lamang ang butihing Senadora sa kanyang planong reelection.
Maganda ang performance nito bilang Senadora kaya dapat lang talagang bigyan pa ito ng mamamayan ng isa pang termino.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.