Advertisers
NASAWI ang dalawang “treasure hunters” at isa ang nagpapagaling sa pagamutan nang makalanghap ng nakalalasong gas sa paghahanap nila ng yaman sa bayan ng Siaton sa Negros Oriental.
Sa ulat ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO), bahagi ang tatlong biktima ng 15 kataong nagsagawa ng treasure hunting nang ma-expose sa nakalalasong gas sa pinasok ng mga itong kuweba sa Barangay Apoloy, Siaton na isang liblib na lugar .
Ayon sa pulisya, illegal ang isinagawang treasure hunting ng nasabing grupo, kungsaan daraan muna ang mga ito sa tubig ng dagat para makapasok sa pintuan ng kuweba.
Pumasok sa kuweba ang lima sa mga treasure hunter gamit ang water pump para tanggalin ang tubig na naipon sa bukana nito kungsaan napansin ng mga ito ang kulay abong usok na nanggagaling mula sa isang butas at ang tubig ay biglang naging kulay itim.
Agad namang humingi ng tulong ang isa sa mga biktima nang ang dalawa sa kanilang mga kasamahan ay biglang mahimatay.
Isa sa mga nasawing biktima ay 30-anyos na taga-Brgy. Mag-aso, Dauin; at isang 28-anyos na taga-Brgy. Apoloy ng nasabing bayan; habang nilalapatan ng lunas ang isa nilang kasamahan.