Advertisers
INANUNSYO ng Commission on Elections (COMELEC) na mas pinadali na ngayon ang voter registration.
Sinabi ni Atty. John Rex Laudiangco, spokesperson ng COMELEC, maaaring i-download ang application form sa kanilang website o sa www.comelec.gov.ph at punuan ng detalye bago umano pumunta sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Laudiangco, paalala na magdala ng valid government issued Identification Card (ID) gaya nalamang ng Passport, National ID, UMID ID, NBI clearance, LTO Driver’s License ID, PRC ID, Senior Citizen ID.
Sa mga estudyante, pwede ang School ID o Library card basta may pirma aniya ng school authorities.
Ayon pa sa tagapagsalita, sa mga nabanggit na ID dapat ay makita dito ang birthday, complete name, address, picture, at pirma.
Sakali naman na walang ID at 1st time magparehistro, pupwede umano ang barangay certification basta siguraduhin na mayroon ito ng mga nabanggit na detalye. Kung sakali naman na wala pa rin ng mga nabanggit ID at certification, pwede rin ang affidavit ng kababayan na registered voters na makakapagpatunay na ang lahat ng sinasabi niyo sa application form ay totoo.
Ang voter registration na magsisimula ngayong araw ay magtatagal hanggang Sept. 30, 2024.