Advertisers

Advertisers

OMBUDSMAN UMARAY SA MEMO LABAN SA PRESIDENTIAL APPOINTEES

0 17

Advertisers

PINUNA ni Ombudsman Samuel Martires ang memorandum na inilabas ni Presidential Management Staff (PMS) head Elaine Masukat na nag-uutos sa presidential appointees na magsumite ng iba’t ibang clearances na kinakailangan para sa kanilang performance review.

Sa isang panayam, sinabi ni Martires na siya ay nasa gobyerno mula pa 1976 at ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng isang memo mula sa Malakanyang na hindi pirmado ng executive secretary.

Binatikos din ni Martires si Masukat dahil dapat, aniya, ay nilinaw sa memo ang mga presidential appointee na saklaw nito.



Tila hindi raw napag-aralang mabuti ang mga sakop ng memo at ang kakulangan ng panahon para sa pagsunod dito na 30 araw lamang.

Sa memo na inilabas ng PMS noong Pebrero 2 na pirmado ni Masukat, lahat ng presidential appointees na nasa posisyon sa gobyerno bago ang Pebrero 1, 2023 ay inatasang magsumite ng kanilang updated Personal Data Sheet (PDS) at mga clearance mula sa Civil Service Commission (CSC), National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman at Sandiganbayan.

Ang lahat ng requirements ay dapat isumite sa PMS sa loob ng 30 araw mula sa paglabas ng memorandum.

Subalit binigyang diin ni Martires na hindi nila maaaring bigyan ng special treatment ang presidential appointees na naghahabol ng clearances para lamang masunod ang direktiba ng PMS.

Maliban dito, nilinaw din ng ombudsman na sa kasalukuyan ay may backlog sila na nasa 4,000 applications at kailangan pa nilang suriin ang bawat aplikasyon at hanapin ang anumang nakabinbing kaso ng appointee bago maglabas ng clearance. (Gilbert Perdez)