“Operation Birth Right” program, inilunsad ni Mayor Honey at Civil Registry Office
Advertisers
INANUNSYO ni Mayor Honey Lacuna na ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay tumatanggap na ng applications para sa late registration ng birth certificates.
Ayon sa alkalde, ang programang tinawag na “Operation Birth Right” ay isasagawa sa buong buwan ng February at ito ay walang bayad sa mga magpaparehistro.
Sinabi ni Lacuna na ang tanggapan ng City Civil Registry Office-Manila sa ilalim ni Encar Ocampo ang siyang mangangasiwa ng nasabing programa kung saan mga edad 0-17 lamang ang sakop.
Ang bata na ipapa-late register ay dapat na Manila-born resident at hindi pa kailanman nakarehistro.
Sinabi ni Ocampo na ang mga requirements ay ang mga sumusunod: certificate of no record (PSA and LCR), birth certificate na hinanda ng ospital, affidavit para gamitin ang apelyido ng tatay, marriage contract kung kasal ang magulang at photocopy ng IDs ng magulang.
Maliban sa birth certificate, ang affidavit ay maaari ding makuha sa ospital kung saan pinanganak ang bata, sabi ni Ocampo.
“Ito ay libreng handog ng ating butihing Punong Lungsod, Dra. Honey Lacuna kasama ang Pangalawang Punong Lungsod Yul Servo- Nieto, kaagapay ang Civil Registry Office-Manila,” sabi ni Ocampo.
Nabatid kay Ocampo na walang limit sa bilang ng mga aplikante basta ma-meet lamang nito ang deadline na katapusan ng February, kung saan nai-submit na nila ang lahat ng kailangang documents. (ANDI GARCIA)