Advertisers
NAMAHAGI nitong Miyerkules ng hindi bababa sa 2,529 na titulo ng lupa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 2,672 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Davao City at mga probinsya ng Davao del Sur, Davao del Norte, Davao Occidental, Davao de Oro at Davao Oriental.
“Ang pamimigay ng titulo sa ating mga magsasaka ay unang hakbang lamang sa pagkakamit ng kalayaan sa kahirapan,” pahayag ni Pangulong Marcos sa kaniyang talumpati sa ginanap na pamamahagi ng titulo ng lupa sa Rizal Memorial Colleges Gym sa Davao City.
Idinagdag ni Pangulong Marcos na ito ay magiging isang magandang simula para sa taon 2024.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang kalayaan ng mga magsasaka sa gutom at kahirapan ay hindi makakamit lamang sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga titulo ng lupa, na nag-udyok sa administrasyon na ibigay ang lahat ng tulong at serbisyo ng gobyerno na nararapat sa kanila.
Namimigay narin aniya ang gobyerno ng mga punla, pataba at iba pang kagamitan.
Sinabi ni Pangulong Marcos na natutuwa siyang maging bahagi ng pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa pangunguna ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil binigyang-diin niya na ang mga magsasaka ay may espesyal na puwang sa kanyang puso.
Sinabi niya na minana niya ang kanyang pagmamahal sa mga magsasaka mula sa kanyang ama, ang yumaong Pangulong Ferdinand R. Marcos Sr., na lumagda sa Presidential Decree No. 27, na nagpalaya sa lahat ng nangungupahan na magsasaka na nagtatrabaho sa pribadong lupain.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang New Agrarian Emancipation Act, na nakikinabang sa 610,054 Pilipinong magsasaka na nagbubungkal ng higit sa 1.7 milyong ektarya ng mga lupain sa repormang agraryo ng lupa, na ginagawa silang walang utang mula sa PhP57.65 bilyon na atraso sa agraryo.
Binanggit ng punong ehekutibo na ang DAR ay namahagi ng mahigit 90,000 titulo ng lupa noong 2023, na 40,000 mas mataas kaysa sa target na 50,000.
“Umaasa ako na dadami o dodoble pa sa taon ng 2024,” sabi pa ng Pangulo. (Vanz Fernandez)