Advertisers
NASAWI ang isang babaeng negosyante at isa pa ang sugatan nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Sto. Tomas City, Batangas, Linggo ng hapon.
Kinilala ng Sto. Tomas City Police ang napaslang na si Jennifer Amante alias “Jen”, 44 anyos, businesswoman at land agent.
Nadatnan ng mga pulis ang biktima na duguan at walang buhay habang naka-seat belt pa sa front seat ng kanyang sasakyan.
Ang kasama ni Amante na si Arlene Manzanilla alias “Arlene”, 43, isa rin negosyante at residente ng Brgy. San Vicente, Sto. Tomas, ay isinugod sa C.P. Reyes Medical Hospital dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang dalawang salarin ng isang motorsiklo na ang driver nito ay nakasuot ng itim na jacket habang naka-gray jacket, pants at itim na helment ang backrider.
Lumalabas na kagagaling lang ng dalawang biktima sa Tanauan City, Batangas sakay ng Mitsubishi SUV (XAK-634) at papunta sa Sto. Tomas City nang biglang harangin ng riding in tandem sa bahagi ng Brgy. San Roque Road 1:10 ng hapon ng Linggo.
Ayon sa mga saksi, nag-overtake ang riding in tabdem sa sasakyan ng mga biktima na minamaneho ni Amante saka sila pinaulanan ng bala.
Mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa hindi batid na direksyon.
Narekober ng forensic team ang tatlong pinaputok na bala at apat na basyo ng caliber .45 pistol sa pinangyarihan ng ambush.
Ayon kay Lieutenant Colonel Rodel Ban-o, hepe ng Sto Tomas Cty Police, kabilang sa mga anggulong tinitingnan na motibo ng krimen ang negosyong pautang ng biktima.
“Bago po nangyari ang insidente, mayroon pa pong pinuntahan na isang lugar sa Brgy. San Jose kung saan yung pinuntahan po nila ‘yon yung ibinebenta ng isa sa mga nagkakautang sa kaniya na kaniyang nireremata na po. Kinukuha na niya yung property doon sa pagkakautang nung isa sa persons of interest na natin,” ayon kay Ban-o.
Susuriin ng mga awtoridad ang mga CCTV camera sa lugar na posibleng nakuhanan ang mga salarin.