Advertisers
NAKAKATUWA na sa wakas ay napansin at nagsalita din si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa napakatagal nang nangyayaring katarantaduhan sa hanay ng Philippine National Police (PNP) na ang imahe ay patuloy na pumapangit dahil sa pagkakasangkot ng maraming opisyal at miyembro ng organisasyon sa droga, vices at iba pang gawaing kriminal.
Malinaw sa binitiwang salita ng Pangulo kamakailan na kapag hindi mahinto ang nagaganap na kalokohan sa loob ng Pambansang Kapulisan ay tiyak na magdudulot ito ng demoralisayon sa mga opisyales at rank-and-file kaya iniutos nito kay PNP Chief Benjamin Acorda Jr. na kumilos upang sagipin at isalba ang PNP sa kamay ng mga tinatawag na bad egg o police scalawag sa organisasyon.
Aksyon naman agad si PDGen. Acorda Jr. at inihayag ang pagpapatuloy ng isinasagawang internal cleansing kuno na naglalayong linisin ang Pambansang Kapulisan sa mga “misfit”. Sana’y maging matagumpay na ang inianunsyong paglilinis ng kanilang hanay na ginamit na din ng mga nakaraang PNP superior ngunit ang resulta ay palpak dahil ginamit lamang na pampapogi ng ilang mga pinuno ng kapulisan.
Kasama ang SIKRETA sa naghahangad na maisakatuparan ni PDGen. Acorda Jr. ang iniatas niyang internal cleansing para matuldukan na ang korapsyon sa hanay ng mahigit sa 228,000 na opisyales at miyembro ng PNP na dahilan kaya hindi umaangat ang krebilidad ng mga pulis pagkat di nakikita at nararamdaman ng taumbayan ang serbisyong dapat ay nakukuha sa mandatong “To Serve and Protect” mantra ng police organization.
Kung magtatagumpay ang ikinasang internal cleansing ay magsisilbing legasya ito ni PDGen. Acorda Jr. dahil magiging malaking bahagi ito ng kasaysayan ng Pambansang Kapulisan na magsasaad na walang ibang heneral o Chief ng PNP na matagumpay sa pagwawalis ng mga korap na opisyales at rank-and-file kaya naging malinis ang bakuran ng PNP sa mga tiwali at sangganong pulis.
Kaya kung tototohanin ni PDGen. Acorda Jr. ang paglilinis sa PNP ay madaming tatamaan na tatamad-tamad, kunsintidor at ayaw magtrabahong regional, provincial director, ganon din ang mga city at town police official na namumurong matanggal sa puwesto dahil hindi ginagawa ang trabaho’t mandato bilang mga maasahang alagad ng batas.
Ayon sa ating mga KASIKRETA sa Camp Crame, isa sa maaring masibak ay si Cavite Provincial Director Col. Eleuterio Ricardo Jr. at iba pang provincial director sa CALABARZON dahil sa kabiguan nitong aksyunan ang mga inerereklamong nagkalat na saklaan, STL con jueteng, lotteng, pergalan (perya nap ulos sugalan) paihi o buriki at iba pang ilegal na kitaan na dahilan ng lumalalang illegal drug at insidente ng kriminalidad sa naturang rehiyon.
Inirereklamo ang isang nagngangalang Richard M. na pasimuno sa nagkalat na kailegalan sa hurisdiksyon ni Col. Ricardo Jr. na hindi lamang pangalan ng naturang colonel ang ginagasgas sa pango-ngotong ng lingguhang protection money sa mga ilegalista kundi maging ang pangalan ni PNP Chief Acorda Jr., subalit dedma lang at hindi pinapansin ni Col. Ricardo Jr. ang mga sumbong laban kay Richard M.
Maliban sa “pinapatungan” ay kasosyo pa sa saklaan si Richard M. nina Hero at Elwyn sa Amadeo, Maragondon, Noveleta, Magallanes, Bailen, Naic at mga siyudad ng Dasmarinas City at Bacoor gamit ang kanyang mga dummy na sina Maricon, alyas Sgt. Lagos at Christian. May di kukulangin sa 150 pergalan at 15 paihian, paihi, pasingaw, patulo o buriki ang kinukokolektahan ni Ricard M. sa buong rehiyon.
Sa Laguna na hurisdiksyon ni PD Col. Harold Depositar ay may 40 ang puwesto ng pergalan, sa Batangas ay 35 habang tig 25 naman sa Cavite, Rizal at Quezon. Humigit kumulang naman sa 200 ang operator ng STL con jueteng o bokies at lotteng bukod pa ang mga illegal operation ng passenger van at mga terminal.
Pinaka-notoryus dito ang operasyon ng STL bookies nina Melchor sa Bacoor City, Dasmarinas City, Maragondon, Naic at Cavite City; alyas Kap Abner sa Dasmarinas City at ng Cavite “STL con-Jueteng Queen” Nitang Kabayo sa lahat na siyudad at bayan ng probinsya ng Cavite; permanente o puesto pijo gambling den sa Brgy. Santiago sa bayan ng Malvar at Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City parehong sa lalawigan ng Batangas ng “Drug pusher at Prostitute Queen” na si alyas Glenda; paihian o burikian nina alyas Ed at Rico sa Brgy. Bulihan, Malvar; buriki o paihi nina alyas Buloy at dalawang miyembro ng Batangas City Police sa lupa ng Intsik na si Tan sa Diversion Road, Brgy. Sta. Clara, malapit sa opisina ng Philippine Coastguard at Philippine Port Authority at isa pang puwesto sa tapat ng Maquiling Depot sa Diversion Road, Brgy. Balagtas parehong sa Batangas City.
Hindi kukulangin sa halagang Php 12M ang weekly kolektong ni Richard M. sa buong rehiyon na ipinagyayabang nitong inereremit sa mga PNP top brasses na di naman alintana nina Col. Ricardo Jr. at iba pang PD sa R4-A. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144