Advertisers
HUMIHIMAS na ng malamig na rehas ang apat na smugglers ng agricultural products sa bansa.
Ito ang bahagi ng yearend report ng Bureau of Customs kaugnay sa kanilang pinalakas na kampanya laban sa mga sindikatong nagpupuslit ng mga produktong agrikultura sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas public briefing nitong Lunes, sinabi ni BOC Spokesman Atty. Vincent Philipp Maronilla na nakapagpakulong na sila ngayong taon ng apat na smugglers dahil sa agricultural smuggling, at nakapagtala rin sila ng record-high P45 billion halaga ng nakumpiskang smuggled products.
“ Mayroon na po kaming napakulong na mga apat na tao because of agricultural smuggling at ilan na rin doon ay may final conviction na po,” ani Maronilla.
Ang iba naman aniyang kinasuhan ay naka-pending ang reklamo sa mga piskalya at ang iba ay patuloy na dinidinig sa korte.
Kasabay nito, itinanggi ni Maronilla na mabagal ang BOC sa pagsasampa ng mga kaso laban sa smugglers dahil ang katunayan, aniya, ay linggo-linggo silang nagsasampa ng kaso laban sa mga agricultural smuggler.
“Iyon naman pong aming legal service, files cases every week no, at hindi po lumampas doon iyong pagpa-fileng mga kaso laban sa mga smuggler,” dagdag ni Maronilla.
Pangunahing ipinupuslit, aniya, ng mga sindikato sa bansa ay bigas at sibuyas kaya nagmahal ang presyo ng mga ito nitong taon dahil sa manipulasyon ng mga smuggler at mga tusong negosyante. (Jocelyn Domenden)