Advertisers
TINANGGAL sa pwesto ang tatlong pulis ng Quezon City Police District (QCPD) sa pagkakasangkot sa na-leak na video ng nasawing beteranong aktor, Ronaldo Valdez.
Kinilala ang mga ni-relieve noong Miyerkules na sina Lt. Colonel Reynaldo Parlade, Police Station 11 commander; Senior Master Sgt. Wilfredo Canilao, at Cpl. Romel Rosales, parehong first responders.
Makikita sa viral video ang bangkay ng aktor kasunod ng kanyang pagkamatay.
“Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Anti Cyber Crime Team, isa pang tauhan ng PS 11 ang nag-post ng nasabing video sa kanilang Viber group habang tatlong sibilyang Facebook account ang natukoy na unang nag-upload ng video at compilation ng mga larawan ng insidente sa Facebook,” anang QCPD sa isang pahayag.
Hiniling na ng QCPD sa PNP Anti-Cybercrime Group na ‘wag nang ipakalat ang video online.
Sinabi ng QCPD, ang tatlong opisyal ay maaaring humarap sa mga kasong kriminal at administratibo.
Inaalam pa ng awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng aktor. (Boy Celario)