Advertisers
PINAALALAHANAN ni Senador Imee Marcos ang mga pribadong kumpaniya na ibigay parin sa mga dating rank-and-file na nag-resign o sinibak ang kanilang 13th-Month Pay.
“Kahit isang buwan ka lang nagtrabaho ngayong taon, dapat meron kang kahit isanglibong pisong matatanggap sa dating pinapasukan,” wika ni Marcos.
Ang senadora ay nagbase ng kanyang kalkulasyon sa minimum na sahod para sa walong oras na trabaho sa Metro Manila.
Binigyang-diin din ng senadora na ang mga guro sa pribadong paaralan ay may espesyal na karapatan sa buong 13th-month pay kung sila ay naglingkod ng hindi kukulangin sa isang buwan sa loob ng isang taon.
Ang benepisyo ng 13th-month pay ay naisabatas bago mag-Pasko noong 1975 sa pamamagitan ng Presidential Decree 851, na layuning “protektahan ang antas ng totoong sahod mula sa epekto ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.”
“Kumakatok lang sa matitigas ang puso, ngayong nagtataasan ang presyo ng pagkain. Marami pa ring gipit ang badyet para sa Noche Buena,” sabi ni Marcos.
Ipinunto pa ng senadora na may ilang araw pa para maipamahagi ng mga kumpanya ang 13th-month pay bago mag-Disyembre 24, ang itinakdang deadline ng batas. (Mylene Alfonso)