Advertisers
NAHAGIP ng CCTV ang panloloob ng isang lalaki sa isang salon sa Las Piñas City, Martes ng umaga.
Sa ulat ng Las Piñas City Police Station, 8:00 ng umaga nang pasukin ng lalaki ang sarado pang salon.
Dumiretso sa loob ang lalaki bago pumunta sa may counter ng salon, hinanap nito ang susi ng cash box, at tinangay ang P20,000 na isang araw na kita ng establisyimento.
“When the complainant representative conducted an inventory of the supposed collection of this salon, she discovered an amount of P20,000 was missing,” sabi ni Colonel Jaime Santos, hepe ng Las Piñas City Police Station.
Ayon sa manager ng salon, dati nilang empleyado ang lalaki na nag-resign sa trabaho nitong nakaraang buwan. Hindi rin nito ibinalik ang susi ng salon.
Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya, na unang nagtungo sa address ng suspek sa Dasmariñas pero wala ito doon.
“Bumalik sa parlor, kinausap po ng mga investigators natin ‘yung mismong mga kasamahan niya na hair stylist at tinuro ‘yung whereabout niya,” sabi ni PCol. Santos.
Naaresto ang suspek sa kalapit na salon na bagong pinapasukan nito. Narekober sa kanya ang P8,000.
Inamin niya ang krimen at sinabing nagawa niya lang ito dala ng pangangailangan.