Advertisers

Advertisers

Walang public viewing kay Mali – Mayor Honey

0 7

Advertisers

NAGPAHAYAG si Manila Mayor Honey Lacuna na walang magaganap na public viewing para kay Mali, ang nag-iisang elepante sa bansa na namatay sa loob ng Manila Zoo nitong hapon ng Martes. Sinabi rin ng alkalde na makikipag-usap ang city government sa pamahalaan ng Sri Lanka upang ipaalam ang kamatayan ni Mali “in the hope that they find it in their heart to entrust another elephant in our care.”

Sa ginawang press conference sa Manila Zoo, sinabi ng alkalde ang posibilidad na isailalim sa taxidermy si Mali upang mapreserba ang kanyang mga buto upang makita pa rin ng mga zoo visitors kung ano ang itsura ni Mali na nag-iisang elepante sa buong bansa.

“Alam nyo naman po, prized possession namin si Mali, siya po ang star attraction dito sa Manila Zoo so nagsisimula na kaming magkaroon ng talks with the experts kung paano magagawang mai-preserve si Mali at mailagay siya sa museum natin dito,” pahayag ng alkalde na hindi na napigilan ang emosyon at sinabi isang malaking kawalan sa lungsod ang pagpanaw ni Mali.



“Talaga pong nakakalungkot dahil lahat tayo ay may kanya-kanyang kwento kay Mali. Ako po nung bata pa po ako, ito po ang naging regular naming pasyalan… dito kami dinadala ng aming magulang…kaya nung irehabilitate namin ito we made sure na malaki ang ikutan niya, siya ang pambungad na pambati namin dito sa Manila Zoo,” dagdag ni Lacuna

Mula sa mga opinyon ng mga eksperto, ipinaliwanag ni Lacuna na habang marami ang nagsasabi na ibalik si Mali sa kanyang natural habitat, sinabi ng alkalde na hindi ito ideal dahil ito ay nasa captive state na simula nang ito ay dinala sa Manila Zoo noong siya ay 11 months old. Mahihirapan na rin itong mag-adapt kung ibabalik sa kanyang natural habitat.

Nabatid na si Mali ay maraming tumor na nakakaapekto sa maraming organs nito at nagdulot din ng grabeng pressure sa katawan at puso nito na hindi na kayang mag-pump ng sapat na dugo upang ito ay tuluyang mabuhay. Napag-alaman din na naabot na ni Mali ang kanyang maximum life span na 40 hanggang 45 years old. Si Mali ay namatay sa edad na 43.

“Sa ating mga kapwa Manilenyo at mga kababayang Pilipino na napamahal na po kay VishwaMali, wag kayo mag-alala, hindi lang po sa mga bata kundi pati sa matatanda, kami po sa City of Manila tya di po titigil na makahanap ng panibago pong pambungad na pambati sa inyo,” kasabay ng pagbibigay punto ng alkalde na gagawing pambungad ng Manila Zoo si Mali bilang pangunahing atraksyon pa rin.

Sinabi pa ng lady mayor na ang city government ay gagawin ang lahat upang mapreserba ang alaala ni Mali upang ang mga zoo visitors ay masilayan pa rin ang beloved elephant.



Ang enclosure kung saan nanatili sa loob si Mali ay tinakpan ng tarpaulins dahil ito ay sumasailalim sa necropsy.

Sa nasabi pang press conference, hiniling ng spokesperson ni Lacuna na si Atty. Princess Abante sa media na irespeto ang privacy ni Mali sa pamamagitan ng hindi pagkuha ng larawan ng bangkay ng elepante.

Base sa records, ang pag-aalaga at pag-aaruga kay Mali ay ibinilin ng dating President Ferdinand Marcos sa city government of Manila kung saan si dating Ramon Bagatsing pa ang Mayor. (ANDI GARCIA)