Advertisers
Pakikastigo naman Hon. Prosecutor General Benedicto Malcontento ang isang piskal n’yo riyan sa Batangas City, Sir. Ano kaya ang naging aksiyon na ng City Chief Prosecutor ng Batangas sa kanyang tao –na obvious, sobrang umabuso sa tungkulin at kapangyarihan.
Kasi , feeling boss ang piskal na ito, ipinaaresto sa mga pulis ang dalawang hardinero ng Eternal Gardens nang paghinalaang may kagagawan sa pagkawala ng lapida sa puntod ng kanyang tatay.
Ni hindi binigyan ng due process ang dalawang dinakip, kinasuhan agad ng piskal, hindi na hinintay pang makapagharap ng counter-affidavit sa kasong theft o pagnanakaw at ito namang mga pulis na tulongges, sumunod sa utos ni boss piskal.
Tulongges ang mga pulis kasi, sa inquest proceeding, they violated the constitutional rights of the two gardeners nang wala man lang nag-assist na counsel na sila ang pumili, grabe naman po ito, Hon. Malcontento, National Prosecution Service General.
Tatlong araw nakulong sina @Mariz at @Arnel na nakalaya na, matapos mapiyansahan ng management ng Eternal Gardens ng halagang P6,000 bawat isa.
Itinyempo ang warrantless arrest araw ng Sabado (Okt. 14) para hindi agad makagawa ng paraan si Atty. Christian Castillo, abogado ng Eternal Gardens, kasi, off duty ang may hawak ng kaso.
Itong piskal na ito ay unprofessional at batay sa pangyayari, kahit law freshman student, alam na ang ginawa nito ay abuse of authority.
Imbes na siya ang unang sumunod sa prinsipyo ng due process of law, inilagay sa sariling kamay ang batas — at ito ay nakasisira ng tiwala ng taumbayan sa katapatan, kawalang kinikilingang mata ng batas at hustisya sa ating bansa.
At may pagkatuso ang piskal, kasama ang tulongges na pulis — itinapat sa araw ng Sabado na sarado ang lahat ng opisina ng gobyerno at wala o off duty ang inquest fiscal na dapat mag-imbestiga sa kasong theft na iniharap laban sa dalawang hardinero.
At ano ang ebidensiya na magpapatunay na “ninakaw” ng dalawang gardener ang kuno ay lapida sa nitso ng tatay ng piskal?
Dahil nawala raw, ayon sa paratang ng piskal, ang dalawang tagalinis na ang siguradong ‘magnanakaw” at bakit nanakawin — para maibenta at pagkaperahan?
Walang motibo ang dalawang akusado, at sino ang testigo na nakita na ninakaw nga ng dalawa ang lapida ng yumaong tatay ni piskal: wala, basta naisip lang, bunga ng pagkadismaya, pagkagalit, nagdemanda na, at agad inutusan arestuhin kahit walang mandamyento de arresto.
Kungdi ito abuse of authority, kungdi ito pagpapakita ng walang paggalang sa batas, kungdi ito pag-abuso sa kapangyarihan, e ano ang maitatawag po natin dito, Prosecutor General Malcontento?
Mapanganib sa serbisyo publiko ang ganitong piskal at kungdi makakastigo o mabibigyan ng disiplina, ipalalagay niya na tama, walang mali ang kanyang ginawa at wag sanang mangyari, uulitin, gagawin ang pag-abuso sa kapangyarihan, at kaawa-awa ang mga pobreng gardener o karaniwang tao kung malasin na kainisan o mapagtripan ng piskal na ito.
Ano na po ang ginawang aksiyon ng chief city prosecutor ng Batangas City?
Mantsa sa malinis na reputasyon ng inyong opisina at ahensiya ang ginawi ng inyong bossing na piskal?
Enabler ba kayo o, kunsintidor — na hindi natin, siyempre, pinaniniwalaan.
Alam natin, si Prosecutor General Hon. Malcontento at hindi makokontento lamang sa verbal warning o simpleng pagsuspinde sa masamang inugali ng piskal na ito.
Public office is a public trust, at bilang public servant ang lahat ng taong gobyerno, kasama ang mga prosecutor, pulis at iba pa, interes ng publiko, katarungang parehas ang pinakamataas na tungkuling dapat na maipagkaloob sa bayan.
Mabuti ring patingnan ang mental state ng piskal, baka naman may matinding problemang hinaharap o may dinadamdam kaya makabubuting patingnan, ipasuri at kung may karamdamang pisikal o kaisipan, ipagamot, at ating ipagmalasakit na mapagaling.
Katinuan sa isip ang kailangan sa piskalya sa isang tagausig at opisyal ng hukuman na kamay ng pamahalaan sa paglalapat ng katarungan.
Paano kung pingkaw, o kung pilantod ang galaw ng isang taong gobyerno, paano siya makapaglilingkod nang matapat, nang parehas, nang walang pansariling interes sa paghatol ng walang kinikilingang hustisya?
Pakiusap ng Eternal Gardens, imbestigahan, suriin ang ikinilos ng piskal na ito.
Mahirap na may puwing sa mata ang National Prosecution Service, kasi magiging duling o pisak ang paghatol — na hindi gustong mangyari ni Prosecutor Gen. Malcontento.
Kapag nalaman ito ni Honorable Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, ay patay kayo, kasi, ayaw na ayaw niya ng mga abusadong tao sa piskalya.
Kaya kilos na po kayo diyan sa Batangas City Prosecutor’s Office, your Honors please.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.