Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
AMINADO ang magaling na aktor na si Rocco Nacino na nakaka-relate siya sa tema ng seryeng “The Missing Husband” na pinagbibidahan niya.
Ito ay sinabi niya nang maging panauhin siya ng King of Talk na si Boy Abunda sa Fast Talk.
Tumatalakay kasi ang series sa scam at aminado siyang sa tunay na buhay ay naloko na siya pagdating sa negosyo.
Naengganyo raw siya noong mag-invest sa kaibigan ng kaibigan niya para sa isang business venture sa isang event para sa isang island.
Very smooth daw ang pagkakasabi sa kanya ng scammer kaya naman madali siyang napaniwala.
Pero hindi na raw nagpakita ang nasabing scammer kaya naglaho nang parang bula ang kanyang six digit na investment.
Pagdating daw naman sa pag-ibig, inamin niya na na-scam na rin siya.
Dyinowa raw ng kanyang naka-relasyon ang kanyang kaibigan kaya nagkaroon siya ng trust issues.
Naging defense mechanism daw niya noon na mambabae kaya noong nasa kolehiyo raw siya ay iba-iba ang syinosyota niya, to the point na naging heartbreaker siya at maraming pinaiyak na kababaihan.
Na-address lang daw niya ang maling gawaing ito nang matutunan niyang mahalin ang sarili at muling umibig at magtiwala.
Pagtatapat niya, pagkatapos daw ng kanyang naging relasyon kina Lovi Poe at Sheena Halili ay wala na siyang babaeng taga-showbiz na niligawan.
Sa ngayon, happy daw siya sa kanyang married life sa piling ng asawang atletang si Melissa Gohing.
Greatest achievement daw para sa kanya ang pagiging isang ganap na ama.
Malaki rin daw ang nabago sa kanya mula nang mag-asawa siya.
Bukod sa prayoridad na niya ang pamilya ay mas praktikal at safe na raw ang kanyang galawan.
Mas aggressive rin daw siya pagdating sa investments at nakatulong daw na meron siyang financial advisor na nagpapayo sa kanya kung paano iha-handle ang kanyang mga naipon.
Isa rin daw sa natutunan niya sa pag-ibig ay ang pagiging open sa kanyang partner.
Sa kaso raw niya, sa simula pa lang ay ipinakita na niya lahat sa misis at wala siyang itinago.
Ipinapaliwanag din daw niya sa misis ang kanyang trabaho lalo na kung may love scenes siya sa katrabaho para raw naiintindihan nito ang lahat.
Never din daw nilang pinag-awayan ang tungkol sa pera.
Ang action suspense drama na “The Missing Husband” ay mapapanood sa afternoon block ng GMA-7 Lunes hanggang Biyernes.
Kasama rin sa cast ng serye sina Yasmien Kurdi, Jak Roberto, Joross Gamboa at Sophie Albert.