Advertisers
Mariing itinanggi ng nagpakilalang kamag-anak umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang alegasyon ng isang investor para sa kanyang negosyo sa isinagawang press conference na pinangunahan ni Maria Teresa Rios, ang Corporate Secretary ng Smart City Technology kung saan presidente si Mario Pacursa Marcos.
Sinabi ni Mario Pacursa Marcos, walang legal na basehan ang kasong swindling na isinampa sa Department of Justice laban sa kanya ni Phebie Aliman Dy, Triple A Contractor.
Ayon kay Marcos, si Dy ang nanloko sa kanya matapos lumapit sa kanya sa pamamagitan ng isang kaibigan para sa isang negosyo dahil kailangan umano nila ng makakasama.
Dahil sa tiwala ni Marcos, ibinigay niya ang kaniyang titulo ng lupa sa Tivoli Royal exclusive subdivision at mga precious stones para sa negosyo, gayunman nang tanungin kung kelan ito magiging pera ay hindi na aniya sumasagot si Dy.
Dahil dito, nagsampa si Marcos ng kasong estafa , qualified theft sa Makati Prosecutors Office sa magkakahiwalay na pagkakataon noong July 19 at September 19, 2023.
Mayroon din daw siyang isinampang kaso na qualified theft at grave threat dahil sa mga natatanggap niyang pagbabanta.
Paglilinaw din ni Marcos, idolo lamang niya at hindi kamag-anak ang Pangulo Bongbong Marcos at kailanman hindi niya ginamit ang pangalan ng Pangulo sa anumang panloloko.
Ang golden medallion na kanya namang ipinamimigay na may mukha ni PBBM ay isang souvenir na kanyang pinagawa at ibinibigay niya ito sa mga shoot fest at malalapit na kaibigan bilang pag-idolo sa Pangulo pero iginiit na hindi ginagamit sa panloloko.
Tiwala si Mario Pacursa Marcos na lalabas din ang katotohanan at magiging patas ang Department of Justice sa pag hawak sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Itinanggi rin niya na hindi siya nagtatago na sa ibang bansa dahil nandito lang naman siya Pilipinas.
Dagdag pa ni Marcos, ang pagsasampa ni Dy ng kasong swindling sa DOJ kasama ng dalawa pa ay isang afterthought.
Ibig sabihin, para lang mabaling ang atensyon nang mga piskal at korte na humahawak at hahawak nang kaso laban sa kanya.
“Meron ako legal team na mag-handle nang mga kasinungalingan na isinampa niya sa DOJ, at kilala ko na parehas, matalino, mapagsiyasat at magaling ang ating DOJ Secretary at lalabas ang katotohanan lamang sa huli, malalaman na nagsisinungaling si Phebie Aliman Dy”, ayon pa kay Marcos.
Nitong Lunes, nagsampa si Dy ng kaso laban kay Marcos sa DOJ.
Sinabi ni Marcos na trial by publicity ang gusto ni Dy para idamay ang Pangulo na walang kinalaman sa kasong isinampa nito laban sa kanya.
Giit niya, ni minsan hindi niya ginamit ang kanyang pangalan para sumikat.