Advertisers
SASAMPAHAN ng kaukulang kaso ng pamilya ng batang lalaki na naputulan ng binti ang doktor at pamunuan ng ospital.
Dahil ito sa matinding impeksyon, naputulan ng kaliwang bahagi ng binti ang 8 taon gulang batang lalaki mula sa Barangay, Paltao, Pulilan, Bulacan.
Sa rekord ng barangay, nakilala ang biktima na si Juan Miguel Enriquez, habang ang tricycle driver na nakabundol sa biktima ay nakilala lamang sa alyas “Bitoy”.
Base sa paunang impormasyon, una nang dinala sa pagamutan si JM ng FM Cruz Orthopedic and General Hospital dahil sa pinsalang tinamo nito, nabali ang buto sa binti, nang aksidenteng mabundol ng tricycle na minamaneho ni Bitoy.
Ayon sa ina ng biktima, nangyari ang aksidente Setyembre 11, 2023. 6:40 ng gabi, at dinala nila ang bata sa nabangit na ospital, kungsaan hindi umano sila kinausap ng doktor, agad na senimentuhan ang binti ng bata kahit pa may malaki itong sugat na agad rin binayaran ng nakabundol ang bill ng pasyente na umabot sa P30K.
Ayon sa ina ng bata na si Mean Enriquez, tanging x-ray lamang ang iniabot sa kanila ng doktor, at wala umanong sinabi kaugnay sa medikasyon na pagsemento sa binti.
Dahil doktor, tiwala sila na gagaling ang kanyang anak sa treatment na ginawa nito sa bata.
Subali’t makalipas ang dalawang araw, napansin na nila na umitim at nagkulay talong na ang paa ng bata, bagay na nagdulot ng pangamba sa pamilya na agad rin dinala sa Bulacan Medical Center. Dito nadiskubre ang pagkabulok ng binti, bunsod ng matinding inpeksyon, at nang maalis ang benda, dito’y inutusan ng BMC na dalhin muli ang bata sa pribadong pagamutan kung saan siya unang ginamot.
Ayon sa pamilya ng bata, dalawang beses nilang pinuntahan at dinala ang pasyente sa FM Cruz Hospital, pero hindi sila hinarap ng pagamutan.
Ayon naman sa Bulacan Medical Center, sa higpit ng pagkasemento ay namatay ang ugat sa paa ng bata, dahilan upang putulin ang bahagi ng binti upang hindi na kumalat pa ang inpeksyon.
Samantala, disidido ang pamilya na magsasampa ng reklamo sa korte laban sa doctor at ospital.
(Thony D. Arcenal)