Advertisers
Pinagbabaril habang sakay ng SUV ang isang principal na papasok na sa gate ng isang paaralan sa Sto. Tomas North, Jaen, Nueva Ecija nitong Martes, Setyembre 19.
Kinilala ang biktima na si Reden Daquiz, 49-anyos, principal sa Sto. Tomas North Elementary School.
Sa ulat, kahit sugatan si Daquiz, nagawa nitong makalabas ng sasakyan at pumasok sa paaralan.
Isinugod ng mga guro si Daquiz sa pagamutan, habang nakatakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
“Ang narinig lang po namin pak, pak, pak… ganun lang ‘yung narinig namin. Ang sinabi ko lang sa mga bata, baril ‘yun anak, tumakbo tayo,” ayon sa isang guro.
Nakita rin umano niya ang sasakyan ng biktima pero nagtaka siya kung bakit ito tumigil. Hanggang sa lumabas na ng sasakyan ang principal na nakahawak sa tiyan dahil sa tinamong sugat.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Ronilo Hilario, Assistant Division Superintendent of DepEd Nueva Ecija, na suspendido muna ang klase sa paaralan habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.
“The Department of Education (DepEd) vehemently condemns the shooting of a public school principal in Sto. Tomas North, Jaen, Nueva Ecija.
“The Department is coordinating with the concerned field offices and the police to apprehend the perpetrators of this brutal crime.
Dagdag pa ng ahensya, “We denounce any acts of injustice towards our personnel, learners, and stakeholders. We maintain and advocate that our schools and communities remain as zones of peace for every Filipino.”
Sinuspende naman ang buong klase sa Sto. Tomas North Elementary School dahil sa nangyari.
Kinondena rin ni Jaen Mayor Sylvia Austria, ang nangyaring pamamaril sa tapat mismo ng paaralan.
“Mariin kong kinokondena ang pamamaril sa aming principal na si Reden Daquiz at nanawagan ako sa mga kapulisan ng maaga at madaliang pagresolba sa kasong ito,” giit niya.
Ipinatupad naman ng Nueva Ecija Police Provincial Office ang Oplan Bakod para bantay-sarado ang entry at exit points ng Jaen.