Advertisers
HINATULAN ng ‘guilty’ ng Kuwaiti Juvenile Court ang amo na nasa likod ng pagpatay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa DFA, hinatulan ng 15 taon pagkakakulong ang akusado sa kasong pagpatay. Nakatanggap din siya ng isang taon sentensiya sa pagkakulong dahil sa pagmamaneho ng walang lisensya.
Sinabi ng DFA na ang mas mababang parusa ay dahil sa pagiging menor de edad ng akusado. Mayroon siyang 30 araw para iapela ang hatol sa Court of First Instance.
“The family of the OFW has been informed and is grateful for the assistance provided them by the government,” anang DFA.
“The Philippine Government is similarly appreciative of the efforts undertaken by the Kuwaiti authorities to effect a speedy resolution of the case, in the pursuit of justice for our slain kababayan,” dagdag pa ng ahensya.
Ang sunog na katawan ng 35-anyos na si Ranara ay natagpuan sa disyerto noong Enero.
Arestado ang 17-anyos na anak ng amo kaugnay ng krimen. Siya rin ay napaulat na nanggahasa at nakabuntis kay Ranara.
Nangako ang Kuwaiti Minister of Foreign Affairs Sheikh Salem Abdullah Al-Jaber Al-Sabah noong Enero na mapaparusahan ang pumatay kay Ranara.