Advertisers
APAT ang sugatan nang mauwi sa aktuwal na sunog ang fire drill sa isang paaralan sa Cubao, Quezon City nitong Biyernes ng umaga.
Inilikas ang nasa 175 estudyante at guro ng Starland International School sa 12th Avenue, Barangay Socorro nang mabalot ng makapal na usok ang buong eskuwelahan kasunod ng malaking apoy.
Isang guro at tatlong fire volunteers ang nagtamo ng mga sugat sa sunog na umabot ng second alarm.
“During that time po nagfa-fire drill po kami, ongoing kami sa fire drill tapos ‘yun nag-start na ang usok, nag-start na kami magpalabas ng mga bata,” sabi ni Rowena Averion, branch head ng Starland International School.
Natakot ang ilang estudyante nang malaman nilang totoong sunog na pala ang nangyayari.
Ayon kay Senior Inspector Sherwin Peñafiel, station commander ng Quezon City fire station, nakatulong ang fire drill para agad makalabas ang mga bata sa paaralan pero wala umanong koordinasyon sa kanila ang pamunuan ng eskuwelahan sa isinagawang drill.
“Usually po kapag nagkakaroon ng fire drill dapat may coordination sa Bureau of Fire [Protection], pero this time ‘di sila nag-coordinate sa amin. Actually di naman violation ‘yun, maganda nga nag-exercise sila ng ganoon. Sana para ‘di maulit ang ganitong insidente, sana nag-coordinate sila sa amin,” sabi ni Peñafiel.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa storage area ng eskuwelahan sa likod ng kindergarten classroom kungsaan nakatambak ang school supplies at mga aklat.
Gawa sa light materials ang eskuwelahan na may 2 palapag. Dati itong lumang bahay, sabi ni Peñafiel.