Advertisers
PINAGBIGYAN ng Commission on Elections (Comelec) ang kahilingan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na suspindihin ang ilang lokal na opisyal sa panahon ng halalan.
Sa memorandum na may petsang Setyembre 13, inaprubahan ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia ang rekomendasyon ng law department ng ahensya na payagan ang pagsuspinde kay Clarin, Bohol Mayor Eugenano Ibarra; San Simon, Pampanga Mayor Abundio Punsalan Jr.; Tabuk, Kalinga Mayor Darwin Estrañero; at Goa, Camarines Sur Mayor Racquel Lim.
Si Lim ay isinailalim sa isang taon na suspensiyon nang walang bayad dahil sa grave abuse of authority/oppression at pag-uugaling nakapipinsala sa pinakamahusay na interes ng serbisyo, habang si Punsalan at pitong iba pang miyembro ng Sangguniang Bayan ay binigyan ng anim na buwang suspensiyon dahil sa simpleng pagpapabaya sa tungkulin at simple dishonesty.
Sinuspinde rin si Estrañero ng anim na buwan dahil sa simple misconduct, habang si Ibarra ay sinuspinde ng isang buwan nang walang bayad dahil sa simple dishonesty.
Sa kanilang suspensyon sa panahon ng halalan, sinabi ng Comelec na ang mga kaso laban sa mga elective official ay “walang sangkot na paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kaya kailangan ang paunang awtoridad mula sa Komisyon.”
Hiniling ni DILG Undersecretary Juan Victor Llamas ang exemption noong Setyembre 4, na nag-ugat sa mga desisyon ng Office of the Ombudsman.(Jocelyn Domenden)