Advertisers
ARESTADO ang 11 katao sa drug buy-bust operation ng mga operatiba ng Bacoor City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isang bahay na nagsisilbing “drug den” Huwebes ng gabi sa Barangay Habay 1, Bacoor City, Cavite.
Kinilala ang mga nadakip na sina Alex Sucdang, Vic Marie Labapez, Adelfa Rancudo, Nemuel Furious, Jonathan Orenzo, Aries Sucdang, Argel Joseph Sucdang, Jesus Padilla Jr., Arnold Sucdang, Fernando Cadag, at Rommel Dela Pena, mga nasa hustong gulang.
Sa inisyal na report ng pulisya, nabilhan ng poseur buyer sina Alex at Vic Marie na target ng operasyon ng shabu sa halagang P1.000.00, at inaresto pati ang siyam iba pa nilang kasamahan na nasa lugar ng operasyon.
Nasamsam sa grupo ang 5 heat sealed transparent plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P69,000.00. Kinumpiska rin sa mga ito ang 4 cellular phones, isang Glock 22 caliber 40 na baril (SR# ACW6337) na may laman na isang magazine at loaded ng 20 bala na nakuha kay Dela Peña.
Pansamantalang nakakulong ang mga suspek sa Bacoor City Police Station. (KOI LAURA)