Advertisers
Patay ang isang menor-de-edad na lalaki at sugatan ang isa pa na umaawat lamang nang pagsasaksakin ng dalawa din na menor-de-edad na lalaki sa Navotas City, Huwebes ng gabi.
Namatay sa Navotas City Hospital sa tinamong mga saksak sa katawan ang biktima na residente ng lungsod habang ginagamot naman sa Tondo Medical Center si Ramon Doinog IV, 23, ng ERC St., B. Cruz, Brgy. Tangos sa tinamong saksak sa likod.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, 7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng A. Cruz St., corner B. Cruz St., Brgy. Tangos North, Navotas City.
Habang naglalakad sa naturang lugar si Doinog nang makita nito ang menor-de-edad na biktima na pinagsasaksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng isa mga suspek kaya tinangka nitong umawat.
Subali’t sinaksak din si Doinog sa likod ng isa pang salarin bago mabilis na nagsitakas patungong B. Caseñas St., habang isinugod naman ang mga biktima sa NCH hospital, subali’t idineklarang dead-on-arrival ang binatilyo habang inilipat naman sa TMC si Doinog.
Kaagad namang inatasan ni P/Lt. Alexander Calabucal, Commander ng Navotas Police Sub-Station 2 ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang menor-de-edad na mga suspek at narekober sa kanila ang isang kitchen knife.(Beth Samson)