Advertisers
MATAGAL nang naisabatas itong ‘No Garage, No car Policy’ na ang layunin ay malimitahan ang pagbili ng sasakyan ng mga walang sariling parking, na nagiging dahilan ng obstructions sa mga kalye.
Dahil nga sa pagsikip ng mga kalye partikular secondary roads na ginawa nang paradahan kabilaan ng mga may sasakyan na walang sariling parking sa kanilang tahanan, hinihikayat ngayon ng Liga ng Trasportasyon at Operators (LTOP) ang Land Transportation Office (LTO) na ipatupad na ang batas na nagbabawal mairehistro ang mga sasakyan kung walang sariling parking area.
Sabi ni LTOP President, Orlando Marquez, dapat i-require ng LTO ang parking sa mga nagpaparehistro ng sasakyan. Ito lamang kasi ang matibay na paraan para maibsan ang pagkakaroon ng matinding traffic sa mga kalye sa Kamaynilaan. Mismo!
Para anupa’t pinanday ang batas na ito kung hindi naman paiiralin?
Sa Tondo lamang, sa mga secondary road, hindi magawang magsalubungan ang mga sasakyan dahil sa mga nakaparadang sasakyan kabilaan. Kahit tricycle nga nahihirapang makalusot kapag nagsalubong.
Kaya suportado natin itong panawagan ng LTOP na ipairal na ng LTO ang ‘No Parking, No car Policy’. Now na!
***
Hinihikayat natin ng Manila City Government na buhayin, ipatupad ang kanilang Ordinansa No. 8547 sa curfew sa mga menor de edad na 10:00pm hanggang 4:00am; at sa mga adult (Ordinance 8692) 12:00am hanggang 4:00am, maliban nalang sa mga nagtatrabaho sa gabi na ang labasan ay madaling araw, ipakita lamang ang kanilang identification card.
Kaya ko iminumungkahi ito sa LGU ng Maynila ay dahil sa mga nakikita kong pasado 10:00pm na ay nakakalat pa ang mga paslit sa kalye, nagtatakbuhan, nagsisigawan. Tapos ‘pag may nangyari sa mga bata ay nagiging kasalanan pa ng mga nakaaksidente.
Dapat ay ipaalala ng City government sa mga barangay ang naturang ordinansa, ang hindi susunod kasuhan sa Department of Interior and Local Government.
Let’s do it, Mayor Honey Lacuna-Pangan!
***
Nakakatawa talaga itong gobyerno. Mantakin ninyo, mga pare’t mare, ang mga ahensiya na ang mandato ay ang maniktik para sa ating seguridad ay wala manlang sa kalahati ng intelligence fund ng ahensiya na hindi sangkot sa security.
Katulad nitong National Intelligence Coordinating Agency (NICA), ang intel fund nito para sa taon 2024 ay P341 million lamang; at ang National Security Council (NSC) ay P120 million lang!
Samantalang ang Office of the Vice President, na sabi nga nila ay “spare tire” lamang ng gobyerno ay may intel fund na P500 million!
Ang pinakamatindi ay ang Department of Education, may intel fund na P150 million. Fuck!
Ibig sabihin, lahat lahat ay may intel fund na P650 million si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte-Carpio. Ang tindi!!!
***
Napakatalamak na ng SAKLA sa Cavite, lalawigan ni Governor Jonvic Remulla na utol ni Justice Secretary “Boying” Remulla.
Bakit pinapayagan ni Gov. Jonvic mag-operate ang mga ganitong iligal na sugal sa kanyang lalawigan na nagpapahirap lang lalo sa mahihirap, at ang kumikita lamang ay ang mga gambling lord na hindi nagbabayad ng buwis. Tuldukan!