Advertisers
Matinde ang naging banta kamakailan ng hepe ng pambansang kapulisan na sibak agad sa pwesto sa ilalim ng ipinatutupad na “One-Strike” Policy sa sinumang PNP opisyal na dawit at protektor ng mga ilegal na sugal sa bansa, partikular ang jueteng, lotteng at iba pang sugal.
Aniya wala siyang sisinuhin sa mga police commander na mabibigong patigilin ang illegal gambling sa kanilang hurisdiksyon dahil alam niyang kapado ng mga pulis ang lahat ng sugalan sa kanilang mga lugar.
Sa kabila ng mahigpit na kautusan ni Acorda laban sa iligal na sugal, nananatiling talamak parin ang presensiya ng iligal na sugal partikular na sa lalawigan ng Masbate at katunayan lantaran ang tila mini casino na sugal lupa na color games at drop ball na mas malakas di hamak sa jueteng.
Patuloy na namamayagpag ang operasyon ng nabanggit na sugalan sa ilang bayan sa Masbate sa hurisdiksyon nina Provincial Director Rolly Albaña at PRO5 Regional Director PBGen Wistrimundo Obinque sa kabila ng mahigpit na kautusan ni Acorda na ipatigil ito.
Batay sa sumbong na ipinarating sa inyong lingkod ng ilang concerned citizen, tila nagiging kontrabida ang mga nabanggit na PNP officials sa “One Strike” Policy ni Acorda sa dahil talamak parin umano ang operasyon ng naturang sugal lupa na color games at drop ball partikular sa mismong Sea Port ng Aroroy, Masbate ay nakahambalang ang hindi bababa sa 30 lamesa ng icolor games, drop ball at iba pang sugal na pinag-piyestahan gabi-gabi ng mga sugarol na pino-protektahan umano ng ilang tiwaling PNP opisyal.
Naniniwala naman ang ilang sektor na bumabatikos nito na hindi matutuldukan ng kapulisan ang pamamayagpag ng iligal na sugal dahil ipinagmamalaki umano ng mga gambling operator na naka timbre ang pasugal nila sa tanggapan ng Police Provincial Office at Police Regional Office 5 ang tila mini casino na sugalan sa nasabing lugar.
Nananawagan din ang simbahan, mga residente at grupong tumutuligsa nito sa Malacañang at Department of Interior Local Government na imbestigahan ang reklamong ito upang tuluyan nang matigil ang magdamagang operasyon ng iligal na sugal na color games at drop ball maging ang jueteng ay talamak din sa nasabing probinsya para mapanagot ang ilang opisyal na protektor nito sa nasabing lalawigan.
Subaybayan natin ito!
***
Kung may tanong, reaksyon o suhestiyon ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.