Advertisers
ANG illegal gambling at drug operation sa Metro Manila ay tumiklop at huminto ang operasyon matapos maitalagang hepe ng National Capitol Region Police Office (NCRPO) si PBGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., magtatatlong buwan na ang nakakaraan.
Tumigil ang mga maintainer ng Small Town Lottery (STL) con-jueteng, lotteng, pergalan (perya at sugalan) at iba pang uri ng ilegal na pasugal sa kalakhang Maynila nang sa pag-upo ni Nartatez Jr. ay kaagad na nagpalabas ng direktibang “No Take at One Strike Policies” na kanyang paiiralin sa mga district commander at chief of police na hindi tatalima o susuway sa kanyang kautusan.
Sa takot ay dagliang sumunod ang mga field commander. Hindi na nangailangan pang magsagawa ng mga raid ang mga pulis sa Metro Manila, bagkus ay kinausap na lamang ang mga player (gambling operator) na ang karamihan pa ay mga hinihinalang sangkot sa drug trade na agad huminto, gamit ang mga dating “kapustahan” o pinagkakatiwalaang kolek-tong agent na karaniwa’y mga aktibong miyembro ng PNP.
Pero alam kaya ni Nartatez Jr. na may isang nagngangalang “CHARLIE” ang gumagamit ng kanyang pangalan at ipinangangalandakan sa mga gambling/drug lord na siya’y napag-utusan na kontakin ang mga iligalista para sila’y magsimula na sa kanilang operasyon pagkat siya ang opisyal na “tong kolektor” ng tanggapan ng NCRPO?
Marami nang kinontak si CHARLIE na mga gambling/drug lord, pero tumanggi pang mag-operate ang mga ito maliban sa ilan lamang kabilang dito ang isang nagngangalang “JOY” na nagsimula na ng kanyang ilegal na lotteng sa lungsod ni Paranaque City Mayor Eric Olivarez, na ang police chief ay si Col. Reycon Garduque.
Likas na malakas ang loob ni JOY na kilala din sa bansag na “Metro Manila Lotteng Queen” pagkat bukod sa pang- eengganyo sa kanya ni CHARLIE ay ipinagmamalaki pa nitong bagyo din ito sa isang Paranaque local government top official atsa isang mataas na police official na nagbigay din ng go-signal sa kanya, kaya nasimulan agad ang lotteng operation at ngayon ay mahigit sa isang buwan nang namamayagpag sa bahaging ito ng Metro Manila.
Bukod sa Paranaque City, sa lungsod ng Las Pinas ay lantaran narin ang lotteng operation ni ONIE NINONG na liban kay CHARLIE ay kontak pa ang isang alyas SAMMY na kung umasta ay hari dahil malakas daw kay Las Pinas City Mayor Imelda “Mel” Aguilar at City Police chief Col. Jaime Santos.
Maliban kay PBGen. Nartatez Jr. ay ginagamit din ni CHARLIE ang pangalan ni Southern Police District Director, BGen. Roderick Mariano, nagpapakilalang tao siya ng butihing heneral sa mga kinokontak at nilalapitang mga gambling/drug lord na hinikayat ding mag-operate na ng kanilang ilegal na pasugal.
Sa kanyang mga naengganyong gambling/drug capitalist, tinitiyak ni CHARLIE na walang bulilyaso, pulido at walang magiging problema ang illegal vices operation sa mga kapulisan lalo pa nga sa Paranaque City at Las Pinas City pagkat hawak nito sa ilong sina Col. Garduque at Col. Santos at maging ang mga operating unit ng SPD pati na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)District Office at maging ang CIDG Camp Crame, Quezon City. Matindi!
\
Habang may isang tulad ni CHARLIE na umiikot sa Metro Manila at patuloy sa kanyang kolek-tong activity ay malabong ganap na maipatupad at matamo ng SPD, NCRPO at PNP sa kabuuan ang minimithing No Take Policy na dinagdagan pa ng One Strike Policy ni PNP Chief Acorda Jr.
Tuldukan!
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.