Awareness at suporta sa early detection ng cervical at breast cancer, ipinanawagan ni Mayor Honey

Advertisers
IPINANAWAGAN ni Mayor Honey Lacuna ang awareness at suporta sa early detection ng cervical at breast cancer sa lungsod ng Maynila.
Ginawa ni Lacuna ang kanyang mensahe habang kasama niya sina Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, Vice Mayor Yul Servo, Department Public Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire at Philippine Cancer Society, Inc. Program Director Romeo Marcaida sa Intesified Cervical Cancer Screening para sa mga empleyado ng Manila City Hall sa Freedom Triangle nitong Lunes, September 11, 2023.
Sa nasabing pagtitipon ay inilarawan ni Lacuna na ‘nakababahala’ ang katotohanan na ang breast and cervical cancer ay isa sa top killers sa bansa sa ngayon.
Ayon sa kanya, ang public hospitals ay may kakayahan na ma-detect ang cancer sa maagang panahon, pero nakakalungkot na karamihan sa iba ang huli bago ma-detect ang nasabing sakit.
Hinikayat din niya ang lahat ng mga babaeng empleyado na magpasuri. Ang alkalde ay nagpahayag ng kanyang pagkabahala sa tumataas na bilang ng kaso ng cervical cancer, na itinuturing bilang “silent killer,” na nakikita kapag late stage na.
Nanawagan ang lady mayor sa lahat ng kababaihan sa Maynila na magpasuri kasabay ng panawagan niya sa mga magulang ng mga batang babae na edad siyam hanggang 14 na magpabakuna laban sa human papillomavirus (HPV), ito ang virus na dahilan ng karamihan ng cervical cancers pati na ang cancers sa anus, vulva, vagina at oropharynx o likod ng lalamunan kabilang na ang ibaba ng tongue at tonsils.
“Kadalasan, huli na bago masuri na may sakit… at an early age of 9 and 14 pwede na bigyan ang mga anak na babae ng bakuna for HPV. Ginagawa ito nang libre sa health center kaya ine-encourage ko ang mga nanay na dalhin ang kanilang mga anak sa ating health facilities,” sabi ni Lacuna.
Hinakayat din ni Lacuna ang mga kababaihan na edad 30 hanggang 49 na magpa-screened para sa breast at cervical cancer kung saan maaring matukoy ng maaga kung mayron mang abnormality.
“Ito ang mga bagay na simple lang gawin pero napakalaking tulong to prevent the number four cancer sa ating bansa,” giit ng alkalde, kasabay ng pagtitiyak niya na ang MHD ay laging nakaalalay sa lahat nt mga residente anumang oras.
Maliban sa pap smear at HPV vaccination, sinabi ni Lacuna na ang VIA o visual inspection with acetic acid ay ginagawa na rin sa 44 health centers sa Maynila. (ANDI GARCIA)