Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama’t sila’y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos…” (1 Pedro 4:6, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
PAKIKIRAMAY SA PAGPANAW NI MIKE ENRIQUEZ NG GMA 7: Kaisa ng Simbahang Anak Ag Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) sa mga nanghihinayang sa maagang pagpanaw ni Ginoong Mike Enriquez ng GMA Channel 7.
Bagamat kinilala ng AND KNK na ang pangyayaring ito ay kalooban ng Diyos, hindi maiiwasang gunitain ng AND KNK ang malaking papel ni Mike Enriquez sa pagtulong sa mga malilit na tao sa lipunang Pilipino.
Magkaganunman, nais samantalahin ng AND KNK ang pagyao ni Mike Enriquez upang ipaalala sa lahat, minsan pa, ang ilang mga pasubali ng Bibliya tungkol sa mga namatay na.
***
MGA ARAL NG BIBLIYA SA PAGPANAW NI MIKE ENRIQUEZ: Una, tiniyak ni Jesus, sa Juan 11:25, na ang mga tumanggap at sumampalataya sa Kaniya bilang kanilang Diyos at Tagapagligtas ay muling mabubuhay, bagamat sila ay namatay na sa daigdig na ito
Ikalawa, hindi dapat ikinalulungkot ang kamatayan ninuman. Ayon sa 1 Tesalonica 4:13-17, tanging ang mga walang alam sa Bibliya ang malulungkot o maninimdin sa pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa nasabing mga bersikulo, ang mga namatay na tumanggap at sumampalataya kay Jesus ay hindi Niya pahihintulutan na sunugin din, sa araw ng matinding kapighatian, kung saan ang langit at lupa at ang lahat ng mga nandodoon, ay susunugin.
***
MGA NAMATAY NA MAKASALANAN, PUWEDE PA DING MAAKAY PATUNGO SA LANGIT: Ikatlo, pupuwedeng tiyakin na sa langit tutungo ang isang namatay na, bagamat nabuhay siya bilang tiwali at makasalanan sa mundong ito.
Ito ang aral na ibinigay ni Jesus sa 1 Pedro 3:18-20. Nagpunta si Jesus sa kulungan ng lahat ng mga namatay na mula noong unang panahon pa, at ipinangaral Niya sa kanila ang Bibliya.
Sa ngayon, dapat ding ipangaral ang Bibliya sa mga namatay na, ayon sa 1 Pedro 4:6. Sa paraang ito—ipinangangaral, o binabasa ang Bibliya sa namatay na— matitiyak na pupunta kahit na ang makasalanan sa langit.
***
“ROAD RAGE” SA QUEZON CITY: WALANG KAKUWENTA-KUWENTA ANG UMPISA: Kung tutuusin, marami ng katulad na pangyayari ang naganap at kasalukuyang magaganap sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas.
Dahil nagka-inisan lamang o hindi nagkaunawaan habang nagmamaneho sa mga lansangan, maraming mga drayber ang nagbarilan, nagsaksakan, o di kaya ay nagbugbugan.
Kadalasan, wala namang kuwenta ang naging dahilan kaya sila nainis sa isa’t isa o hindi nagkaunawaan. Pero, pag nagmamaneho na sila, nakakalimutan ng ganitong mga drayber ang kanilang mga sarili, at handa na silang pumatay o mapatay.
Ganito yung kaso ng isang diumano ay retiradong pulis Quezon City at ng isang siklista. Nagkainisan o hindi nagkaunawaan, sa wala namang kakuwenta-kuwentang dahilan. Dahil diyan, ang retieradong pulis ay nakapag-bunot, nagkasa, at itinutok ang baril sa siklista.
***
EX QC COP, TIYAK SISING ALIPIN DAHIL SA INASAL SA SIKLISTA: Ngayon, tiyak sising-alipin ang pulis. Viral sa online media ang kaniyang ginawa, at marami ang naghahayag ngayon na tunay namang abusado siya.
Tnanggalan din ang pulis ng lisensiya ng kaniyang mga baril, na ang bilang ay lumilitaw na madami.
Pati ang kaniyang asawa at mga pamilya ay nakakaranas na ng online bullying, ayon sa ex-cop, at nakakatanggap din maging ng mga pagbabanta sa kanilang mga buhay, bunga ng init ng ulo na nakita sa kaniya.
Sa totoo lang, ibinabala na ng Bibliya—sa 2 Timoteo 3:1-5—ang ginawa ng pulis. Ayon sa Bibliya, magiging napakasama ng mga tao sa buong mundo habang lumalapit na ang Huling Kapanahunan, o ang wakas ng lahat.
Hindi na hihinto ang pagiging baboy ng asal ng mga tao. Kontrolado na kasi sila sa kanilang utak ng diyablo, ayon sa Efeso 6:12, dahil nga hindi na sila nag-aaral ng Salita ng Diyos.
***
REAKSIYON? Telepono: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoocom.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 1): Kakampi Mo Ang Batas, ala una ng hapon, Lunes hanggang Biyernes, sa Radyo Pilipino Luzon, Visayas, at Mindanao, Lunes hanggang Biyernes, sa facebook.com/radyopilipino, facebook.com/attybatas, facebook.com/philiplmauricio, at YouTube.com/ Kakampi Mo Ang Batas.
***
MANOOD, MAKINIG (PART 2): AND KNK THE ONE’S CHANNEL, Lunes hanggang Linggo, mula alas 5:30 ng umaga, hanggang alas 9 ng gabi, sa facebook.com/ANDKNK, facebook.com/Ang Tanging Daan, facebook.com/attybatas, YouTube.com/AND KNK.