Advertisers
NASAWI ang isang sikat na Islamic missionary na aktibo sa mga programang nagsusulong ng pagkakaisa ng mga Muslim, Kristiyano at etnikong tribo nang pagbabarilin sa Central Mindanao, Lunes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Mohammad Hessan Midtimbang, 32 anyos, host ng Bangsamoro Darul Ifta radio program na umeere sa Gabay Radio 97.7 FM.
Sa ulat, kapapasok palang ng biktima sa kanyang kulay itim na kotseng Nissan Almera na nakaparada sa gilid ng mataong Governor Gutierrez Avenue nang lapitan ng isang lalaki at binaril ng anim na beses gamit ang .45 caliber pistol.
Si Midtimbang, mula sa isang malaking angkan na Moro sa Maguindanao del Sur, at isang ustadz o Islamic preacher na tumutulong sa mga programa ng Bangsamoro Darul Iftah, kilala din bilang House of Opinions na binubuo ng Muslim missionaries na may iba’t ibang proyektong sumusuporta sa Mindanao peace process.
Ayon sa report, may regular na programa si Midtimbang sa isang himpilan ng radyo sa Central Mindanao na kanyang ginagamit para sa pagtuturo ng Islam na naka-focus sa pagsawata ng violent religious extremism.
Naganap ang pagpatay kay Midtimbang, isang Linggo palang mula nang pinasabugan ng granada ang tahanan ni dating Commission on Elections Chairman Sherrif Abas, at pag-ambush sa namamahala ng general services office ng Cotabato City government na si Pedro Dado Tato, Jr. na nagsanhi sa pagkamatay ng kanyang driver na si Dandy Anonat.
Samantala, mariing kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pagpatay kay Midtimbang.
Ayon kay PTFoMS Director, Paul Gutierrez, walang puwang sa sosyodad ang karahasan.
“We condemn this senseless act of violence as it has no place in our society,” pahayag ni Gutierrez.
Nakipag-ugnayan na si Gutierrez sa Philippine National Police (PNP) para sa isinasagawang imbestigasyon.
“Pending the result of the investigation as to the motive of the attack, we consider this as related to the work of the victim as a radio anchor,” pahayag ni Gutierrez.(Mark Obleada/Jocelyn Domenden)