Advertisers
HINDI nakapagbigay ng garantiya o katiyakan ang Department of Agriculture (DA) na matutupad ang campaign promise ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na maibaba hanggang P20 per kilo ang presyo ng bigas sa isinagawang budget hearing ng Kamara.
Dahil dito ay tahasang sinabi ni Basilan Representative Mujiv Hataman na malinaw na hindi kasama sa “roadmap” o plano ng DA ang bente pesos kada kilo ng bigas hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Marcos sa 2028.
Sinabi ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian, ang pangunahing layunin nila ay tiyakin na ang mga magsasaka ay magbebenepisyo sa anumang mga “development” sa sektor ng agrikultura.
Paliwanag pa ni Sebastian, ang pagbaba sa presyo ng bigas hanggang P20 per kilo ay nakadepende sa merkado kahit pa makamit ng bansa ang 95% rice self-sufficiency.
Binanggit naman ni DA undersecretary Mercedita Sombilla, na posibleng mahirapan sa pagkamit ng P20 per kilo ng bigas.
Siniguro naman ng DA, na walang kakapusan ng suplay ng bigas sa bansa bagama’t aminado ito na manipis ngayon ang stock ng bigas at ang tumataas na presyo nito ay hindi nila kayang kontrolin.
Para sa taong 2024 ay P181-billion ang pondo inilaan sa Agriculture Department.