FINAL RULING NG KORTE SUPREMA SA TAGUIG-MAKATI TERRITORIAL DISPUTE, SELF-EXECUTING, ‘DI KAILANGAN ANG ‘WRIT OF EXECUTION’
Advertisers
NANINDIGAN ang lokal na gobyerno ng Taguig City na hindi na kailangan ang ‘Writ of Execution’ para ipatupad ang paglilipat ng mga barangay, na ayon sa Korte Suprema ay sakop ng hurisdiksyon ng Taguig.
Sa isang pahayag, inalmahan ng Taguig ang “initial assessment” na inilabas ng Office of the Court of Administrator (OCA) na nagsasabing kailangan pa ng Writ of Execution para maipatupad ang kautusan
Iginiit ng Taguig LGU na walang ligal na pwersa ang inilabas na opinyon ng OCA at hindi rin ito maaring gamiting batayan para iantala ang paglilipat ng mga barangay mula sa Makati sa hurisdiksyon ng Taguig.
“Being a mere opinion, this statement does not have the force of law and does not bind Taguig. SC itself doesn’t issue opinions. How can OCA issue one? In fact, SC simply noted a similar query from DILG”” saad ng Taguig.
Dagdag pa nito, ang opinion na inilabas ng OCA ay hindi na sakop ng kapangyarihan nito dahil hindi na ito bahagi ng routine administrative matter na dapat nitong pangasiwaan sa mga trial court.
“The matter relating to Taguig exercising its rights as the winning party involves a judicial adjudication. It is definitely not a “routine administrative matter,” giit ng Taguig.
Taliwas din ang opinion ng OCA sa nature at tono ng mismong desisyon na inilabas ng Korte Suprema na self-executing.
“The opinion thus unfortunately encourages delay and even defiance, instead of respect and immediate voluntary compliance, with final and executory judgments of the Supreme Court,” giit ng Taguig.
Tinukoy din ng Taguig ang prinsipyong inilatag ng Korte Suprema sa kaso ng Camarines Norte vs Province of Quezon. Sa nasabing kaso, pinuri ng korte ang COMELEC, DBM, DOF at DENR sa pagkilala nito sa desisyon ng hukuman na nasasabing sakop ng Camarines Norte ang siyam na barangay mula sa Quezon. Kasabay nito, pinatawan ng korte ng contempt ang mga opisyal ng Quezon Province dahil sa pagbalewala sa inisyu nilang final decision.
Dahil dito, pursigido ang Taguig na maghain ng ‘legal remedy’ para igiit ang kanilang karapatan salig sa desisyon ng korte at ng itinatakda ng batas.
Dalawang beses nang ibinasura ng SC ang tangka ng Makati City na mairekonsidera ang pinal na desisyon ng SC subalit nanindigan ang mga mahistrado na ang Parcel 3 at 4 sa PSU 2031 na kinabibilangan ng 10 barangay ay nasa legal na hurisdksyon ng Taguig base na rin sa iprinisintang historical, documentary at testimonial evidences.