Phil. flag sa City Hall, inilagay sa half-mast bilang pakikiramay sa pagpanaw ni dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna
Advertisers
INILAGAY sa half-mast ang watawat ng Pilipinas sa Manila City Hall nitong Lunes Aug. 14, bilang pakikidalamhati sa pagpanaw ni dating Manila Vice Mayor Danilo “Danny” B. Lacuna.
Ang dating Vice Mayor, na ama ni Manila Mayor Honey Lacuna, ay yumao noong Linggo, August 13., 2023.
Sinabi ni Manila tourism chief Charlie Dungo na base sa memo mula kay City Administrator Bernie Ang, maging ang ilaw sa iconic Manila Clock Tower ay pinataw din bilang pag-alala sa dating Vice Mayor Danny Lacuna.
Maging ang mga watawat sa iba’t-ibang tanggapan ng City Hall sa Maynila ay inilagay din sa half-mast.
Ibabalik ang watawat sa orihinal na pagkakawagayway nito at gayundin ang ilaw sa clock tower matapos ang libing ni Vice Mayor Lacuna sa Biyernes.
Naulila ni dating Vice Mayor ang kanyang pamilya na si Melanie “Inday” Lacuna at limang mga anak na sina Honey, Dennis, Liza at incumbent Manila Councilors na sina Lei at Philip.
“A man of great service and compassion, Danny touched many, creating a life that spans further than just his years and into the hearts of us all where he will remain forever,” ayon sa post ni Mayor Honey Lacuna sa social media.
Si Vice Mayor Danny ay nagsilbi bilang Konsehal ng Maynila mula 1968 hanggang 1975 at Vice Mayor ng Maynila sa mga taong 1970 hanggang 1971, 1988 hanggang 1992 at ang pinakahuli ay mula 1998 hanggang 2007.
Itinatag nya rin ang lokal na partido pulutikal na Asenso Manileño, na siyang dominant party sa Maynila, kung saan kabilang ang dalawang alkalde na sina dating Mayor Isko Moreno at incumbent Mayor Honey Lacuna at nakopo rin ang lahat ng lokal na posisyon nitong nakaraang halalan magmula sa mayor, vice mayor, Congressmen at Manila City Councilors.
Si Vice Mayor Danny ang adviser ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Nitong nakaraang selebrasyon ng ika-122 taon ng pagkakatatag ng Manila City Council (MCC), si Vice Mayor Danny ay ginawaran ng “Dangal ng Konseho Award” bilang pagkilala sa kanyang dekada ng walang pag-iimbot na serbisyo bilang miyembro at Presiding Officer MCC at dahil sa kanyang “compassionate leadership that steered the city council to greater heights, producing measures that redounded to the benefit of a great number of Manilenos and his exemplary performance worthy of emulation by future generation of public servants.”
Ang kanyang mga anak na sina Councilors Dr. Lei at Philip at architect Dennis, ang tumanggap ng parangal para sa kanilang ama. (ANDI GARCIA)