Advertisers
KUNG masasakop ang Taiwan, maaangkin ng China ang Taiwan Semiconductor Manufacturing Company (TSMC) at kung mangyayari ito, mahahawakan nito ang kompanyang kaya gumawa ng pinakamahusay na logic chips sa mundo!
Alam nyo bang mahigit sa 50% ng logic chips ay mula sa Taiwan at nahihigitan nito sa kalidad ang mga gawa ng kakumpetensiyang Samsung ng South Korea at maging ng gawang US?
Bunga ng matinding inggit at interes sa teknolohiyang logic chips ng Taiwan kaya ito ay sasakupin ng China, at hindi totoo ang sinasabi na nais lang ng Beijing na pagkaisahin sa iisang bansa ang Taiwan at Beijing.
Kapangyarihang makapaghari sa digital technology ang nais ng China – sa totoo lamang.
Ilang ulit na ngang tinangka ng Beijing na hikayating bumalik sa kanila ang gobyernong Taipei na nabigo at dahil dito, kung sa kasabihan natin:? Kungdi makuha sa matimtimang usapan, dadaanin na sa brasuhan!
At ‘yan ang ginagawa ng China sa atin: brasuhan sa kabila ng ating mahusay na pakikipagkaibigan! ***
Maliit na bahagi lang ang napakayamang mga isda sa WPS ang nais maangkin ng China, sa ating paniniwala.
Maraming pag-aaral nang ginawa na multi-bilyong tonelada ng bukal ng de-kalidad na langis ang mayroon ang WPS, bukod dito ang deposito ng natural gas at iba pang mineral.
Panahon pa ni dating President Ferdinand ‘Macoy’ Marcos Sr. marami nang foreign investor ang nais na bungkalin ang deuterium o hydrogen water na nadeposito sa ating katubigan na mas mahusay na pamalit sa langis, LPG at iba pang likidong mineral na mapagkukunan ng enerhiya.
Ayon sa pag-aaral, kung mamimina ang hydrogen water, maitatala ang Pilipinas na pinakamayamang bansa sa buong mundo – higit na mas mayaman sa mga bansa sa Middle East.
Ang kayamanan ng kalikasang ito sa ating karagatan ay alam ng China, ng US, Canada at iba pang bansa sa Europe.
Nakapaglalaway, katakamtakam kung sa pagkain ang hydrogen water at ng bilyon-bilyong toneladang bariles ng langis ang nasa WPS!
Katunayan, noong panahon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino (PNoy), nagkaroon na ng kasunduang joint exploration ang China at iba pang bansa para minahin ang depositong langis, natural gas at iba pang mineral sa WPS at sa iba pang bahagi ng ating karagatan.
Hindi na natuloy ang balak na oil exploration na ito na siya ngayong tinatarget ng China, US, Canada, Russia at iba pang industrialisadong bansa.
***
Tama na magprotesta tayo, pero hindi lang sa salita dapat tayo maging matapang kundi ang palakasin natin ang sariling militar at magbuo ng malakas na alyansa laban sa di-mapipigil na pandadarag ng China.
Tama ang hakbang ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maging matatag sa pakikitungo sa patalikod na pambibira ng China.
Tama na itanggi niya na may kasunduan sila ni Xi Jing Pi na aalisin ang BRP Sierra Madre na nakabahura sa Ayungin Shoal sa Palawan.
Kungdi ba sobrang arogante ang Chinese ambassador na sabihing ipinangako raw ni PBBM kay Xi Jinping na aalisin ang BRP Sierra Madre nang mag-usap sila noon sa Beijing.
Kung totoo man na naipangako – na hindi naman talaga naipangako niya – matapang na sinabi ni PBBM, binabawi niya ito.
Mantakin naman na naghahatid ang ating coastguard sa mga sundalong nakaguwardiya ng supplies at pagkain, paulanan ba naman ng water cannon at tinangkang palubugin ang ating sea vessel.
Una rito ay nang halos bulagin ng Chinese Coast Guard (CGG) ang PH Coast Guard noon na ginamitan ng laser gun nang maghatid din ng pagkain at supplies sa mga tao natin sa BRP Sierra Madre.
Taiwan, Pilipinas: kung masakop ng China, tuloy-tuloy na ang banta nito sa buong mundo.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.