Advertisers
NABULABOG ang sistema ng kabuhayan ng mga tinatawag na Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa ilalim ng pamamahala ng Bureau of Corrections o BuCor.
Mayroon naganap na pagdinig o imbestigasyon sa Senado at Kongreso kung saan hinuhukay-pilit ang mga paratang ng kapalpakan ng pamamalakad sa NBP kabilang na ang isyu ng korapsiyon.
Ilang ulit din nabanggit sa mga pagdinig ang iba pang pasilidad ng BuCor tulad ng Correctional Institute for Women (CIW) na isang institusyon o pasilidad ng gobyerno para naman sa ating mga kakabaihan na PDLs.
Nagsimula ang lahat nang maiulat na may nawawalang isang PDL na noong una ay naiulat na nasa loob ng poso-negro subalit lumabas sa tawas ng imbestigasyon na ito pala ay nakatakas na mula sa loob ng NBP Maximum Compound.
Pero hindi dapat manatili lamang diyan ang atensiyon o pagbibigay ng oras at araw upang imbestigahan ang mga isyung gumigiba ngayon sa kredibilidad at integridad ng kasalukuyang liderato ng BuCor.
Makaraan ang ilang ulit na pagdinig ay mabilis pa sa kidlat na nagpatupad ng mga aksiyon ang mga opisyal ng BuCor kasama na tiyak ang paghihigpit sa pagbibigay ng mga pribilehiyo sa PDLs.
Bagaman puwede natin sabihin na hindi na bago sa PDLs ang ganitong eksena ng paghihigpit o pagkakait sa kanillang mga pribilehiyo ay matitiyak natin na mayroon itong matinding epekto sa PDLs.
Dapat natin bantayan o isaalang-alang ang negatibong epekto nito sa kaisipan ng PDLs lalo na kapag ipinagkait ang pribilehiyo na kung tawagin ay ‘DALAW’ na ilang beses binatikos sa mga nakalipas na pagdinig.
Kapag sumalto ang karkulasyon ng mga opisyal ng BuCor sa sistema ng dalaw ng PDLs ay pihadong sisiklab ang madugong rambulan ng iba’t-ibang grupo dahil sa salitang ‘BURYONG’.
Sa loob lamang ng NBP ay mayroon nang halos 30,000 na PDLs kaya kahit kalahati lamang ang maburyong sa mga ito ay baka gumuho ang mga ‘pader’ sa dami ng dugo na aagos sa loob ng naturang pasilidad. Hinay-hinay baka sumiklab!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com