Advertisers
ITINANGGI ng Philippine National Police (PNP) na mayroon ipinapatupad na “quota system” ang pamunuan ng pambansang pulisya sa pagdakip sa mga kriminal sa bawat nasasakupang mga lugar para sa kanilang mga “accomplishment”.
“Nalinaw natin about sa kumakalat na quota system kasi it’s kind affair, unfair din na sabihin natin na kaya nanghuhuli ang mga pulis dahil may mga quota system,” ayon kay Colonel Jean Fajardo, PNP Spokesperson.
“Ang presumption natin diyan is lahat ng police operations na ginawa not only in this administration, even doon sa mga previous administration is within the boundaries of the law. So kung meron po silang naging subject ng police operation ay ibig sabihin lang nito ay meron silang nakita na ebidensya na para magsagawa ng mga operation,” saad ni Fajardo.
“Kung ito ‘yung naging reason na sinasabi niyo na kaya nagkakaroon ng mga problema sa mga police operation dahil gustong mag-produce ng accomplishment ‘yung mga pulis, alam natin na kaya tayo nagka-conduct ng police operation dahil ito ang No. 1 na trabaho ng pulis na mag-conduct tayo ng mga police operation,” pahayag ni Fajardo.
Iginiit ni Fajardo na “ang laging paalala ng leadership ng PNP na dapat bago mag-conduct ng operation whether it’s a buy-bust operation, entrapment operation or even service of warrants of arrest dapat may case build-up, intelligence build-up to make sure na hindi nga nangyayari itong mga mistaken identity.
Hindi nagkakaroon ng mga irregularities sa mga pag-conduct natin ng police operations. So until now yan pa rin ang policy ng PNP,” paliwanag pa ng opisyal.
Binigyan-diin ni Fajardo na “isolated cases na lagi natin itong sinasabi this is not the norms ng PNP organization at hindi natin papahintulutan na ilan lang na mga pulis ang sisira sa imahe ng PNP”. (Mark Obleada)